Advertisers
Habang inilulunsad ang pamamahagi ng ayuda sa mga residenteng naghihikahos sa buhay sa Calumpit, Bulacan ay ipinanawagan ni Senate Committee on Health and Demography Chair Senator Christopher “Bong” Go sa pambansang pamahalaan na pabilisin at patatagin ang mga pagbabakuna sa mga mahihinang komunidad sa ating bansa.
Pinuri rin nito ang plano ng gobyerno na mabakunahan ang 5-milyong katao sa 3-day vaccination drive na isasagawa ngayong buwan ng November.
Mula nitong November 4 at 5 ay inayudahan ng koponan ni Senator Go ang may kabuuang 1,500 na indigent families sa Calumpit, Bulacan at nagpaalala ito sa kaniyang video message na ang publiko ay dapat na sumunod sa mga health protocol ng gobyerno bilang pagbabalanse sa ekonomiya at health concerns sa ating bansa.
“Mga kababayan ko, delikado po ang COVID-19. If the virus finds you, it will infect you. Napakahirap po nitong COVID-19. Please lang po, dapat po’y protektado kayo. Kung mahal ninyo po ang inyong mga pamilya at inyong mga anak, magpabakuna na po kayo,” paalala ni Go.
“Pakiusap namin ni Pangulong Duterte, maging disiplinado at ‘wag maging kumpiyansa. Magtulungan tayong lahat para malampasan natin ang krisis na ito,” pagpapatuloy pa niya.
Pinaggrupo-grupo ng koponan ni Go ang mga benepisaryo sa mas maliliit na bilang kada-araw at mahigpit na ipinairal ang safety protocols bilang pag-iingat sa banta ng virus.
Ang mga kawani ni Go ay namahagi ng meals, masks at vitamins sa mga residente. Nabahaginan ang ilang mga residente ng new pairs of shoes at bicycles na kanilang magagamit para sa mga pagbibiyahe. Computer tablets naman ang natanggap ng ilang mga residente para magamit ng kanilang mga nagsisipag-aral na mga anak.
Samantala, ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ay namahagi naman sa mga residente ng financial assistance sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Hinikayat ni Go ang mga residente na tunguhin ang 2 Malasakit Center sa kanilang probinsiya sa Bulacan Medical Center, Malolos City at sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital ng Santa Maria para sa kapakanan ng kanilang.mga kalusugan.
Pangunahing isinusulong ni Go ang Malasakit Center na isang one-stop shop na kinaroroonan ng mga ahensiya tulad ng DSWD, Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Philippine Health Insurance Corporation, na handang tumulong sa mahihirap na mamamayan.
“Mga kababayan, kaunting tiis lang. Alam kong nahihirapan kayo. Kailangan natin mag-ingat at hindi natin ma-afford na mapuno ang mga hospital muli at baka bumagsak ang ating health care system,” pahayag ni Go.
Sa mensahe pa ni Go ay kinilala nito ang pagsisigasig ng local officials ng Calumpit sa kanilang pagseserbisyo at pagtulong sa mga naghihirap na constituents.
“Mga kababayan ko, magtulungan po tayo, magbayanihan at magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino, malalampasan po natin ito bilang nagkakaisang mamayang Pilipino,” pagtatapos ni Go.
Si Go na siya ring Vice Chair of Senate Committee on Finance ay nangakong susuportahan nito ang ilang proyekto sa naturang probinsiya bilang bahagi para sa pagbangon ng ekonomiya.
Ang mga proyektong ito ay ang pagpapatayo ng multi-purpose building sa Plaridel; rehabilitasyon ng Bulacan State University Activity Center at pagpapatayo ng multi-purpose building sa Malolos City; at ang construction of slope concrete river walls sa mga Barangay ng Meysulao, Meyto, Bulusan, Santa Lucia, San Jose, San Miguel, at Sapang Bayan sa Calumpit.
Sinuportahan din nito ang construction of drainages; provision of medical equipment para sa local hospitals; improvement ng Pandi District Hospital; at concreting ng farm-to-market road sa San Ildefonso.
Nitong October 25, ang koponan ni Go ay nagkaloob ng gayunding katulungan sa daan-daang micro-entrepreneurs mula sa bayan ng Angat.