Advertisers
BUTAS ang tiyan ng isang mister nang saksakin ng kanyang misis nang pagbintangan nito ang huli na may iba itong lalaking kinalolokohan sa Dasol, Pangasinan, Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Mario Bonilla, 35 anyos, delivery boy; habang ang salarin na misis ay kinilalang si Marissa Ferrer, 32, residente sa Brgy. Poblacion Dasol.
Ayon kay Police Capt. Ramil Llarenas ng Dasol Police Station, bago ang insidente, nag-iinuman pa ang mag-asawa sa kanilang bahay at kumuha ng tiyempo ang misis na makapag-paalam sa kanyang mister.
Nagpaalam ang misis sa mister na pupunta lamang ito sa lamay subali’t hindi siya pinayagan dahil posibleng makikipagkita lamang siya sa kanyang lalaki.
Nagpumilit pa rin ang misis na umalis hanggang sa nasampal siya ng mister. Nagdilim ang paningin ng babae, kinuha nito ang kutsilyo at sinaksak ang mister sa tiyan.
Isinugod sa ospital ang biktima at patuloy na inoobserbahan.
Depensa naman ng misis, palagi na lamang siyang sinasaktan ng asawa dahil sa pagseselos.