Advertisers
PINAYAGAN na ng Department of Health (DOH) ang pangangaroling ngayong Pasko ngunit kailangan pa ring may kasamang pag-iingat at pagsunod sa health protocols laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang tiyakin ng mga nais mangaroling na outdoor lamang ito.
Dapat rin aniyang magsuot pa rin sila ng face mask at face shield.
Paalala ni Vergeire sa publiko, mas maraming respiratory droplets ang nailalabas ng tao kapag kumakanta sila kaya’t mas mataas ang panganib na magkaroon ng transmission ng virus.
“Sa pangangaroling po kailangan lang tandaan na outdoors dapat, nandyan ‘yung pagsuot ng face mask at saka face shield,” pahayag pa ni Vergeire, sa panayam ng telebisyon nitong Miyerkules ng umaga.
Matatandaang una na ring pinayagan ng pamahalaan ang mga bata sa National Capital Region (NCR) na lumabas sa kanilang mga tahanan matapos na isailalim na sa Alert Level 2 ang rehiyon.
Noong nakaraang taon, ipinagbawal ng pamahalaan ang pangangaroling bago pa man ang panahon ng Kapaskuhan bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19. (Andi Garcia)