Advertisers
Laurel, Batangas – Nakonsensiya kaya’t nagtungo sa himpilan ng pulisya ang tumatayong testigo sa pag-gahasa at pagpatay sa dalagitang estudyante para aminin ang krimen na nangyari noong Lunes (Nob. 8) sa Sityo Dayap, Barangay Sta Maria dito sa bayan ng Laurel.
Umamin ang salarin na si Jayvie San Vicente, 19 anyos, 2nd cousin ng biktima, at siyang nag-report sa barangay sa nakitang bangkay ng dalagita sa madamong lugar sa Sityo Dayap Lunes ng gabi.
Sa pahayag ni San Vicente kay Police Captain Errol Frejas, hepe ng Laurel Police Station, inamin nito na siya ang gumahasa at pumatay sa biktimang si Jenefer Gamo, 15, Grade 10 student, nang sundan niya ito sa gubat.
Napatay, aniya, ang biktima sa sakal at tinakpan ng damit ang mukha dahil natakot siyang magsumbong ito sa kanyang ginawa.
Binawi narin nito ang kanyang naunang testimonya na si Rufo Sangalang, isang barangay tanod sa lugar, ang may kagagawan ng krimen.
Nakonsensya, aniya, siya kaya umamin sa kanyang nagawa sa pinsan.
Bago ang pagsuko, nagkaroon din ng hinala dito ang mga kaanak matapos na dali-dali itong umuwi sa kanilang bahay mga 3 oras matapos ang krimen at humingi ng alcohol sa kanilang babaeng kapitbahay na halos ipaligo nito sa kanyang katawan.
Si Jenny ay natagpuang walang buhay at hubot-hubad sa magubat na bahagi ng Sityo Dayap Lunes ng gabi.
Huli itong nakitang buhay Lunes ng tanghali matapos magtungo sa bahay ng salarin na kapatid ng kanyang kaibigan at kaklase para kuhanin ang kanyang module.
Dumaan daw ang biktima sa gubat para kumuha ng kumpay para sa kanilang alagang hayop at doon na ito pinagsamantalahan at pinatay ni San Vicente.
Hinanap ito ng mga kabaranggay nang hindi makauwi noong gabi at hanapin ng kanyang kapatid na babae.
Kasama pa sa naghanap ang salarin at siya ang nagturo sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.
Nakakulong na si San Vicente sa Laurel Police Station.(KOI LAURA)