Advertisers

Advertisers

NCR nakapagtala ng 8% positive growth rate – OCTA

0 508

Advertisers

SINABI ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na OCTA Research Group na nakapagtala na ang National Capital Region (NCR) ng positive one-week growth rate na 8% ngunit tiniyak na ito’y hindi indikasyon na nagkakaroon na ng upward trend ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa pinakahuling ulat ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, sinabi nito na ang NCR ay nakapagtala ng positive growth rate na 8% mula Nobyembre 8 hanggang 14 matapos ang sunud-sunod na negative growth rates simula noong Setyembre 18.

Iniulat din ni David na ang reproduction number sa NCR ay nasa 0.52 na ngayon mula sa dating 0.37 lamang at ang 7-day average ay tumaas sa 435 mula sa dating 404.



Gayunman, sinabi ni David na base sa kanilang analysis, ang nakikitang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa rehiyon ay hindi indikasyon ng upward trend, at sa halip ay dahil lamang sa mga backlogs.

Sa kabila nito, pinayuhan din naman ni David ang mga mamamayan na huwag pa ring maging kampante.

Aniya, dapat pa ring patuloy na maging maingat upang makaiwas na mahawahan ng virus.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kabila ng positive weekly growth rate, nananatili namang low risk ang total bed utilization rate at ICU utilization rate ng NCR.

Nabatid na ang total bed utilization rate ng rehiyon ay nasa 26.55%, ang mechanical ventilator utilization rate naman ay nasa 21.09%, at ang ICU utilization rate ay nasa 30.72%.



Nagbabala rin naman si Vergeire na ang mga kaso ng impeksiyon ay maaaring lalo pang tumaas kung patuloy na mababawasan ang pagtalima ng mga mamamayan sa ipinaiiral na public health protocols. (Andi Garcia)