Advertisers
NANLAKI ang mga mata ni Senate President Vicente Sotto III makaraang mapansin na P1.28 bilyon ang inilaang travel allowance ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“This caught my attention while reading the budget briefer…Umabot sa bilyon? There are regional offices ang DENR hindi ba? You have people on the ground all over the country,” wika ni Sotto.
Giit ni Sotto sa deliberasyon sa P25.3 billion 2022 budget ng kagawaran na may regional offices ang DENR kaya’t sa kanyang palagay ay hindi na kinakailangan ang maraming pagbiyahe ng mga opisyal.
Nabanggit din niya na maari rin naman na gamitin ng husto ng mga opisyal ng DENR ang teknolohiya, mobile phones at internet.
“So why do they have to travel? Bakit ganitong kalaki ‘yung kailangan nilang traveling expenses, ‘di ba merong communication, ‘di ba may phone? Internet?” diin ni Sotto.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Cynthia Villar, ang sponsor ng budget ng DENR, ang kagawaran ay may 16 regional offices, 76 Provincial Environment and Natural Resources Offices (PENRO), 142 Community Environment and Natural Resources Offices (CENRO), dalawang line bureaus at tatlong kawanihan na nasa ilalim ng pangangasiwa nito.
Sa pagtataya ni Villar, sa 275 tanggapan ng DENR at bawa isa ay may budget na P4.7 milyon sa susunod na taon.
“Precisely, there are 275 offices, which means regional offices are all over the country. Why do they have to travel?” tanong ni Sotto.
Gayunman, ipinasa na lamang ni Sotto sa kanyang mga kapwa senador ang pagbusisi kung talagang kinakailangan ng napakalaking travel allowance ng DENR. (Mylene Alfonso)