Advertisers
BUTAS ang tiyan ng isang pulis nang pumutok ang sarili nitong baril nang agawin ito ng trabahador ng kanyang pinsan nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan Linggo ng gabi sa Bacolod City.
Kinilala ang nasawi na si Staff Sergeant Benjie Giron, 48 anyos, traffic investigator, ng Bacolod Police Station 6 at residente ng Barangay Granada ng naturang lungsod.
Sumuko naman sa pulisya ang salarin na si Regie Buatag, 27, tubong Hacienda Sian, Talisay City, Negros Occidental at stay-in sa Palomero Hollow Blocks factory na pag-aari ng pinsan ng biktima.
Sa report ng Bacolod Police Station 4, 6:00 ng gabi ng Linggo nagtungo si Giron sa tindahan ng kanyang pinsan para humingi ng volcanic soil.
Naabutan ng biktima si Buatag at tinanong niya kung pwedeng makahingi ng volcanic soil.
Dahil hindi kilala ni Buatag ang biktima na kaanak ng kanyang amo, tugon ng salarin na itatanong niya muna sa amo niya bago niya ito bigyan ng volcanic soil.
Dito na nag-ugat ang pagtatalo.
Depensa ni Buatag, wala siyang hawak na kutsilyo kundi tinangka lamang niyang agawin ang baril ng biktima pagkabunot nito hanggang sa aksidenteng pumutok ang baril sa tiyan ni Giron.
Dinala sa ospital ang biktima pero nalagutan din ng hininga.