Advertisers
CAMARINES NORTE – Nagpupuyos sa galit ang isang ginang nang magtungo sa himpilan ng pulisya upang isumbong ang panghahalay ng kanyang asawa sa kanila mismong menor de edad na anak
Kinilala ang “manyak” na ama na si alyas “Robert”, 54 anyos, residente ng nabanggit na lugar.
Sa ulat, nahuli mismo ng ginang sa akto ng panggagahasa ang asawa na nakahubad at may ginagawang kahalayan sa kanilang menor de edad na anak na babae, 2:00 ng madaling araw nitong Nobyembre 16, 2021 sa isang barangay sa Labo, Camarines Norte.
Sa salaysay ng ina ng mga biktima, nahuli niya ang kanyang mister na nakahubad pati na ang kanyang anak na si “Nene”, 16 anyos, na parehong walang pang-ibabang saplot sa mismong silid ng kanyang mga anak na babae. Nang kanyang kausapin ang anak, isiniwalat nito na matagal na siyang hinahalay ng kanyang ama na nagsimula pa noong Enero 2020.
Sa imbestigasyon ng tauhan ng WCPD, biktima rin ang isa pang anak nito na menor de edad na nakaranas ng kaparehong pangyayari sa kanyang ama.
Saad pa ng mga biktima, hindi sila nagsusumbong dahil sa pananakot ng kanilang ama sa pamamagitan ng pagdadala ng kutsilyo upang maisakatuparan ang kanyang maitim na balak.
Kaagad dinakip ang ama ng pulisya nang magsumbong ang mag-ina. Nakakulong na ito sa Labo MPS.