Advertisers
KORONADAL CITY – Dalawa ang binawian ng buhay at 26 ang sugatan sa pagbaliktad ng elf truck sa bahagi ng Trento, Agusan Del Sur. Ilan sa mga sakay nito ay magkakamag-anak mula sa bayan ng Surallah, South Cotabato.
Ayon kay Sharon Garcesa, anak ng isa sa mga nasawing biktima, maliligo sana sa dagat ang kanilang pamilya at mga kasamahan sa simbahan ngunit hindi na natuloy pa nang bumangga sa barikada ng ginagawang daan ang kanilang sasakyan.
Ayon kay Sharon, nagdesisyon ang kanyang mga magulang, kapatid at iba pa nilang kaanak na pumuntang bayan ng Trento upang magbakasyon at makita din ang iba nilang kaanak.
Gabi nangyari ang aksidente pero kinaumagahan na naipaalam sa kani-kanilang pamilya ang trahedya.
Naidala pa sa Bunawan District Hospital ang mga sugatan ngunit kalaunan ay binawian ng buhay si Margie Garcesa ng Barangay Moloy, Surallah, South Cotabato; at ang 11-anyos batang lalaki na anak ng driver ng truck.
Nasa ligtas nang kondisyon ang ibang sugatan, samantalang inilipat naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang ilang miyembro ng pamilya Garcesa.