Advertisers
SUPORTADO ni TV personality Willie Revillame si Senator Christopher “Bong” Go na tatakbong pangulo ng bansa sa May 2022 elections sa pagsasabing naniniwala siyang ang senador, kapag nahalal, ang tanging makapagpapatuloy ng legasiya at magagandang nasimulan ni Pangulong Duterte para sa kabutihan ng bayan.
Si Revillame ay kasama ni Sen. Go na personal na pinangunahan ang pagbubukas ng ika-149 Malasakit Center sa San Lorenzo Ruiz Hospital sa Malabon City.
Ayon sa Wowowin host, sinusuportahan niya si Go dahil nakita niya sa senador ang totoong malasakit sa sambayanang Filipino at naniniwala siya sa mabuting adhikain nito para sa bansa.
Sinabi ni Revillame na maraming participants sa kanyang show na hirap o walang access sa dekalidad na health care services kung kaya dahil dito ay labis niyang pinupuri ang Malasakit Centers program na inisyatiba ni Sen. Go na nagsimula noong 2018.
Sa pamamagitan aniya ng Malasakit Center, ang mga mahihirap at indigent patients ay madali nang nabibigyan ng medical assistance ng pamahalaan.
“Nandito ako to support, of course, sa project na ‘to ni Senator Bong Go. Hindi lang ho Malasakit Center ang gagawin kundi malasakit sa bawat Pilipino ang gagawin ni Senator Bong Go. Kaya nandito ako to support sa lahat ng namumuno dito sa Malabon,” ayon kay Revillame.
“Sa lahat ng nakakausap ko, araw-araw ang laging hinaing ng bawat Pilipino ay gamot, operasyon, pambili ng gamot. So sabi ko nung nag-usap kami ni Senator Bong Go, I think this is the time na mag-sama tayo, isang malasakit na programa at isang programa na nagbibigay ng malasakit sa bawat Pilipino,” aniya pa.
Binanggit din ni Revillame na napakalaki ng papel o nagagawa ni Go sa Wowowin, sa pagsasabing marami ang hindi nakaaalam na libu-libo ang natutulungan ng senador sa pamamagitan ng kanyang programa.
“Ayaw niyang ipasabi ito eh. Kaya ho ako nakabalik during the pandemic, noong lockdown (ay dahil) nakiusap ako sa kanya na magkakaroon ako ng live show sa GMA. Babalik ako para makatulong,” sabi ni Revillame.
“Nakabalik ako sa programa dahil sa kanya. Nakatulong ako, nakagawa ako ng kabutihan for almost two years sa Wowowin Tutok to Win. Malaking utang na loob ko yun sa kanya dahil nagawa ko yung gusto ko gawin,” idinagdag ng TV host.
Samantala, sinabi ni Revillame na nagkausap sila ni Davao City Mayor Sara Duterte at nilinaw sa kanya ng alkalde na walang namumuong sigalot sa kanila ng amang Pangulo.
Ani Willie, personal niyang kinausap ang mag-amang Duterte para sabihin na kapwa niya sinusuportahan ang mga ito sa pagsasabi pang nakahanda siyang linawin ang mga isyu.
“Dapat maayos ang lahat para sumaya ang bansang Pilipinas. Dapat maging isang pamilya eh. Kasi pag nakakakita ka ng magulo hindi ba, nakakakita ka ng nagkakagulo at nagkaka away-away, napu-frustrate ang bawat Pilipino,” ani Revillame.
“Nakita ko yung pagmamahal ni Presidente kay Mayora Sara. Na iiwas kami, hindi kami maglalagay ng bise-presidente para mabigay sa kanya yung posisyon na bise-presidente,” anang host.