Mga senador kinondena ang pagharang ng Chinese Coast Guard sa Filipino supply vessels sa Ayungin shoal
Advertisers
NAKIISA ang mga senador sa pagkondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa insidente ng pagharang ng Chinese Coast Guard sa mga bangka ng mga Pinoy, na maghahatid sana ng supplies sa ating militar na nasa Ayungin Shoal.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, walang puwang sa international law ang bullying tactics.
Sinabi pa ni Tolentino, na bagama’t mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa international community, dapat din palakasin pa ang ating sanctuaries sa naturang lugar, upang matulungan ang ating mga kababayang mangingisda, hindi lang aniya mula sa natural calamities kung hindi maging sa mga ganitong insidente.
Ipinunto naman ni Senador Risa Hontiveros, na ang naturang insidente ay paglabag sa sovereign rights at jurisdiction ng Pilipinas.
Suportado ni Hontiveros ang paghahain ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ng protesta tungkol dito sa Ambassador ng China at sa kanilang Ministry of Foreign Affairs sa Beijing.
Giit ni Hontiveros, nararapat lang na malaman ng China na hindi ipagkikibit-balikat ng Pilipinas ang pangyayaring ito.
Kasabay nito, nanawagan din ang senadora sa Palasyo na kondenahin din ang insidente at magpakita ng suporta sa ating militar. (Mylene Alfonso)