Advertisers
ARESTADO ang 2 menor de edad na sinasabing nasa likod ng ilang insidente ng carnapping sa Lungsod ng Quezon nitong Sabado.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaki at babaeng suspek na parehong 17-anyos, habang hinahanap pa ang isa nilang kasamahang kinilala bilang alyas “Taba.”
Nabawi sa mga suspek ang ilang sasakyan at motorsiklo na ninakaw ng mga ito.
Ayon sa QCPD Station 14, agad nagsumbong ang isa sa mga biktima na umano’y ninakawan ng mga suspek ng isang van noong Nobyembre 19 ng gabi sa Barangay Holy Spirit, dahilan para agad na magkasa ang mga awtoridad ng operasyon.
Sa tulong ng isang testigo, natunton ang babaeng suspek sa bahagi ng Fairview nang maaksidente ang ninakaw na jeepney, habang naaresto ang lalaki sa isang subdivision sa Caloocan City.
Nakuha mula sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng false key o mga susi na ginagamit sa pagnanakaw ng sasakyan at isang .38 kalibreng baril.
Nabawi rin sa mga suspek ang mga ninakaw na jeep, sedan, 2 motorsiklo, at isang tricycle. Na-impound naman sa Marikina ang isa pang van, habang hinahanap pa ang isa pang L300 van.
Aminado ang mga suspek sa kanilang ginawa.
Ililipat sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang mga suspek matapos isailalim sa inquest proceedings.(Boy Celario)