Advertisers
MAS pabor sa Team Isko kung magkagulo at iringan ng ibang partido ng politiko.
Kung problema ang substitution o pagpapalit ng mga kandidato, walang pakialam, hindi apektado ang Team Isko Moreno.
Ayon kay Lito Banayo, campaign chief ng Aksyon Demokratiko, sila ay nakatutok lang sa kanilang trabaho at ito ay iprisinta nang maliwanag sa taumbayan ang mga isyu at programa ng gobyernong itatayo kung masuwerteng manalong pangulo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at katiket na bise presidente, Doc Willie Ong at mga kandidatong senador Samira Gutoc, Jopet Sison at Dr. Carl Balita.
Kung nagkakagulo, okay lang ito kay Banayo, “…, basta focus kami sa aming ginagawa. Meron kaming strategies, meron kaming issues na piniprisinta sa mga tao.”
Nang magdesisyon si Moreno na tumakbo sa pagka-pangulo, agad na tinutukan at pinagbuhusan ni Banayo ng panahon at talino ang pagbuo ng estratehiya at plataporma de gobyerno na ihaharap ng Aksyon Demokratiko sa mamamayang Pilipino.
Wala silang pakialam kung sino ang kalaban, sabi ni Banayo.
“We are running on platforms, on issues and we are going around the country to listen. Gusto rin niyang malaman kung ano ang mga problema sa mga lalawigan,” aniya.
Nitong nakalipas na mga buwan, nag-ikot sa maraming lalawigan ang Team Isko at abala sa pakikinig, pakikipag-usap at paglalahad ng mga programa at aksiyong gagawin ng partido nila upang malutas ang maraming problema ng pamilyang Pilipino, at ang mabilis na aksyong gagawin laban sa pandemyang COVID-19 at ang pagbubukas at pagpapalakas ng ekonomya ng bansa.
Sa isinasagawang “Listening Tour,” nabisita na ng Aksyon Demokratiko ang mga lalawigan ng Batangas, Tarlac, Pampanga, Nueva Vizcaya, Cebu, Bataan, Zambales at kamakailan, ang Oriental Mindoro.
Ipiniresenta at ipinaliwanag ng Team Isko sa mga kinausap na sektor ng magsasaka, mangingisda, karaniwang manggagawa, mga tsuper at operator ng sasakyang publiko, mga kabataang estudyante, mga negosyante, at karaniwang pamilyang Pilipino ang serbisyong matapat at may kredibilidad na ibibigay ng “Bilis-Kilos” na gobyernong Moreno sa 2022.
“We are going around. I think mas marami kaming napuntahang bayan at lungsod kesa sa ibang kandidato,” sabi ni Banayo at hindi nakababawas sa kanilang pangkat ang sinasabing malakas na tambalan nina dating Sen. Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.
Aniya, matagal pa ang labanan at ipinaalaala sa media ang naranasang problema at nagpatagumpayang kampanya sa kandidatura ni Presidente Rodrigo Duterte na isa siya sa campaign strategist noong eleksiyon ng 2016.
“This is a marathon. I guess we’ll see the shape of things by February. Makikita mo na kung sino ang single digit pa rin; pag single digit pa rin, medyo mahirap-hirap,” paliwanag ni Banayo.
Aniya, sa unang buwan ng 2016, numero 4 lang si Duterte sa mga kandidatong pangulo.
“Early part of 2016, noong January, we were number 4, pero unti-unti kaming umangat. We won with 39 percent of the vote,” balik-tanaw ni Banayo.
Sa Social Weather Station survey, nitong Okt. 20-23, may 47 percent si Bongbong Marcos Jr.; si Vice President Leni Robredo ay 18 percent at 13 percent lang si Moreno, at pumuwestong ika-apat si Sen. Manny Pacquiao sa 9 percent, at nagtabla sa ikalimang puwesto sa 5 percent sina Sen.Panfilo Lacson at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Hindi pa ito ang totoong basehan, sabi ni Banayo dahil malayo pa ang takbuhan, at naiiba si Mayor Moreno.
“So, it’s a long way to go. If you know what you are doing, and you have a candidate who can communicate very well, and I think most of you will agree that Isko speaks very well especially to the common folks. I think, I’m pretty confident that at the end of the day, he (Isko) will be the next president of the Philippines,” buo ang tiwala sa sarili na banggit ni Banayo.
Malaki rin ang naging papel at ginawa ni Banayo sa panalo ni Sen. Noynoy Aquino noong 2010, sa tagumpay ni Vice Pres. Joseph Estrada noong 1998 at sa kampanya noong 1986 snap elections ng magkatiket na Cory Aquino-Doy Laurel.