Advertisers
HINIKAYAT ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate na si Isko Moreno ang lahat ng mga doctors at health frontliners na ipaalam sa kanilang pasyente na puwede na silang makakuha ng anti-COVID drug na Molnupiravir nang libre kahit hindi sila taga-Maynila.
Sinabi ni Moreno na ang kababagong bili na 40,000 capsules na Molnupiravir ng pamahalaang lungsod ay unang batch pa lamang ng nasabing gamot na inorder. Idinagdag pa ni Moreno na binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ang lungsod ng 200mg Molnupiravir na gamot na 200,000 capsules. Ibig sabihin ay puwede pang bumili ang lokal na pamahalaan ng Maynila sakaling maubos na ang 40,000 capsules.
Tatlong simpleng requirements lang ang kailangang gawin na kinabibilangan ng: dalhin ang reseta na ibinigay ng lisensyadong doktor para sa nasabing gamot, resulta ng RT-PCR at photocopy ng valid ID ng pasyente o ng kanyang kinatawan.
Ipinaliwanag ng alkalde na parehong sistema rin ang ginawa noong namigay ang pamahalaang lungsod ng libreng Remdesivir at Tocilizumab. Matatandaan na inagapan ng lokal na pamahalaan ang pagbili ng mga nasabing gamot dahil sa antisipasyon ng pagtaas ng kaso ng COVID. Ang dalawang nabanggit na gamot ay mahirap hanapin at ubod ng mahal.
Napag-alaman na kailangan pang maghintay ng isang buwan ang Maynila bago makapag-order ng 40K na kapsula ng Molnupiravir 40,000. Ang nasabing gamot ang siyang kaunahang anti-COVID medicine na inaprubahang inumin at puwedeng i-uwi sa bahay, hindi katulad ng ibang gamot kailangang idaan sa injection ng mga healthcare professionals.
“Sabihin ninyo sa inyong mga kamag-anak, kaibigan o pamilya…Kung buhay ang pag-uusapan, pilit nating yayakapin kahit sino. Ang importante ay mabuhay kayo, makaligtas kayo,” sabi ni Moreno.
Sinabi pa ng alkalde na mas matutuwa pa siya kung hindi magagamit ang biniling mga gamot. Ibig sabihin aniya ay ligtas na ang lungsod sa COVID.
Ayon pa kay Moreno ay maaring makakuha ng libreng Molnupiravir sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kina Dr. Poks Pangan at Dr. Ed Santos, pinuno at pangalawang pinuno ng Manila Health Department o maaari ding dumiretso sa Sta. Ana Hospital at sa Director nitong si Dr. Grace Padilla .
Nagpapasalamat si Moreno kina Vice Mayor Honey Lacuna at Doc Willie Ong dahil ito ang nagbigay payo sa kanya na bumili ng Molnupiravir, gayundin sa FDA dahil sa pagpayag nito sa lungsod na makakuha ng compassionate special permit (CSP) , idinagdag pa ng alkalde na kahit may pera ay hindi basta makakabili ng nasabing gamot dahil ito ay nangangailangan ng CSP.
Ang nasabing produkto ay kailangan na dumaan sa FDA para sa dispensation nito at ospital ang magbibigay nito na mayroong CSP. Ganito rin ang ginawa ng Maynila sa kaso ng Remdesivir at Tocilizumab, pati na rin ng ibang ospital.
Ayon kay Lacuna, ibinibigay ang Molnupiravir sa pasyenteng mayroong mild hanggang moderate na COVID-19 limang araw matapos lumabas ang sintomas.
Mula pa sa unang araw ng pandemya, sinabi ni Lacuna na ang administrasyon ni Moreno ay ipinatutupad na ang ‘policy of inclusivity’ kung saan lahat ng serbisyo ng lungsod ay extended kahit sa mga hindi nakatira sa Maynila. (ANDI GARCIA)