Advertisers
INILUTANG ng isang mambabatas sa Kamara nitong Martes ang mga pag-uusap sa app na Messenger ng napatay na cadet ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) na nagpapakita na normal lang ang hazing sa naturang paaralan.
Ipinakita ang mga messenger conversation ng napatay na si Midshipman Cadet 4th Class Cadet Jonash Bondoc ang nangyayaring kultura ng hazing sa PMMA.
Nasawi si Bondoc noong Hulyo 6, kaya’t iniimbestigahan sa Kamara sa pangunguna ni Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Fortun ang kanyang kamatayan.
Si Bondoc ay sinapak umano ni Midshipman Cadet 2nd class Jomel Gloria, kungsaan nagtamo ito ng head injury at nasawi.
Ayon kay Fortun, lumitaw sa pag-uusap nina Bondoc at ng kapatid nito na normal lang sa PMMA ang pag-hazing ng upperclassmen sa mga mas batang kadete.
Pinauwi pa raw si Bondoc ng kanyang kapatid ngunit nanindigan ito na kaya pa niya ang pinagdaraanan.
“He (Jonash) was relaying to Joshua his ordeals in the academy […] Sabi dito, ‘yong pinaka-highlight dito sabi ni Jonash, if you see right ng screen, ito ‘yong translation in Filipino, sabi niya ‘Normal lang ang hazing dito kuya, ‘wag mo na sabihin kay Mama ha,’” saad ni Fortun.
“It’s a long conversation, but the highlight […] is the message of Jonash telling his kuya na ‘normal lang ang hazing.’ Sabi niya (Joshua), sabi ng kuya niya ‘Please take care always, sayang hindi ka makakauwi sa Pasko, sige lang, tiisin mo lang,’” wika pa ni Fortun.
Kaya naniniwala si Fortun na hindi isang isolated case ang pagkamatay ni Bondoc.
Bukod sa kaso ni Bondoc ay nagpakita pa si Fortun ng ilang video na nagpapakita ng talamak na hazing sa PMMA.