Advertisers
DISENTENG trabaho, de kalidad na edukasyon at panatag na buhay.
Ipinangako ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’Domagoso na maibibigay ng kanyang administrasyon kapag sinuwerte siya na magwaging pangulo sa 2022 sa pagbisita kamakailan sa mga residente at opisyal ng Barangay Payatas sa Quezon City.
Sana ay suwertihin siya, sabi ng alkalde at kung anong ginawa niya sa Maynila na pabahay ganun din ang gagawin niya sa buong bansa.
Magbibigay ng panatag na kalooban sa isang mahirap ang magkaroon ng sariling bahay, ang mabigyan ng libre at de kalidad na edukasyon ang mga anak.
“Kung may maayos na trabaho, maibabalik ang dignidad sa pamumuhay ng mahirap. Ang maibibigay ko sa inyo ay kapanatagan ng buhay maitawid lang kayo ngayon sa panahon ng pandemya,” sabi ni Yorme Isko sa nagkakatipong tao, marami ang trabahador sa Material Recovery Facility sa Payatas.
Ibinalita niya na umabot sa 229 townhouse-style unit ang ipinamigay nitong nakaraang Hulyo ng pamahalaang lungsod ng Maynila tinitirahan ngayon ng mahihirap na pamilya sa Baseco, Tondo.
Tatlo pang proyektong pabahay – ang Tondominium 1, Tondominium 2, at Binondominium ang iaaward sa mga residente sa oras na makumpletong maitayo bago matapos ang 2021.
May katulad din maramihang pabahay ang itinatayo ngayon, ito ang Pedro Gil, San Lazaro and San Sebastian Residences.
“Alam ko, ramdam na ramdam ko ang inyong mga pangarap na magkaroon kayo, kasi, tulad nyo, lumaki na isa ring basurero, pero sa pagsisikap, nagawa ko na maingat ang buhay ko, at ‘yan ang mangyayari rin sa inyo, ‘wag lang kayo susuko, ‘wag lang kayong panghihinaan ng loob. Basta magtiwala kayo, una sa Diyos at sa inyong pagsisikap, aangat, makatatayo kayo ng may dignidad,” sabi ni Yorme sa kaharap na 300 basurero ng Payatas.
Ginunita ng alkalde na 21 taon na ang nakalipas, mahigit sa 200 tao ang namatay sa pagguho ng mga bundok ng basura sa Payatas dumpsite.
Isinarado ang mga bundok ng basura noong 2010.
Ipinaliwanag ni Yorme Isko na maiiwasang maulit ang trahedya sa pagtatayo ng makabagong teknolohiya at makita sa pag-iipon, pag-iimbak at pagtatapon ng basura, at ang pagtatayo ng maraming pasilidad sa recycling sa buong bansa.
Aniya, tungkulin ng gobyerno na itaas at pagaangin ang pamumuhay ng tao.
At sa gobyerno sa ilalim ng kanyang pamamahala, “aalagaan ko kinabukasan ng mga anak ninyo,” at maraming mahihirap ang mabibigyan niya ng disente at may dignidad na trabaho.
Sa harap ng mga basurerong taga-Payatas, idineklara ng 47-anyos na kandidatong pangulo na panahon na upang wakasan ang elitistang liderato sa bansa, at sa kanyang gobyerno, tutuparin niya ang pangarap ng mahihirap na makaangat sa buhay.
“Tapos na ang panahon ng mga elitista. Basurero naman ngayon,” sabi ni Isko na sinagot ng matutunog na palakpakan at sigawan ng mga kaharap na basurero.
Sinabi niya na ang buhay basurero sa Payatas ay hindi na bago sa kanya.
“Dito naman sa Payatas hindi na kayo bago sa akin. Ika nga, pangalawang Smokey Mountain ang dating Payatas Dumpsite. Sa ganoong kapaligiran ako natuto magsikap at maghanapbuhay,” sabi ni Moreno.
Ipinayo niya sa lahat na ‘wag sumuko sa mabigat na hamon sa buhay.
“Okay lang mahirap tayo ngayon, pero hindi kailangan maging mahirap din pagdating ng araw ‘yung mga anak natin. Kaya papag-aralin ninyo sila, iraos ninyo, itawid ninyo, pangalagaan ninyo sila,” payo ni Yorme Isko sa kaharap na basurero.
“Ang tagumpay ko ay pwede rin maging tagumpay ng mga anak ninyo. Nangyari sa akin, pwede rin mangyari sa inyong pamilya, pwedeng mangyari sa inyong mga anak. Basta magsikap, basta laging magtiwala sa Diyos at magsumikap sa sarili, makakamit natin ang tagumpay,” sabi ni Yorme Isko.
Ipinaalaala ni Isko sa mga magulang na hindi balewala ang buhay ng isang mahirap na pamilya.
Sa kanyang gobyerno, kung papalaring maging pangulo, siya ay magiging makiling sa mahihirap.
“… dapat ang pamahalaan may kaunting diin sa inyo. Katulad ng sinabi ni Ramon Magsaysay, dapat may kaunting kiling ang pamahalaan sa inyong pangangailangan,”paliwanag ng alkalde.
Mahalaga, dugtong ni Yorme Isko, hindi nauubos ang awa ng Diyos.
At sa mga susunod na araw, hindi siya mapapagod na mag-iikot sa pagbisita sa maraming lugar sa bansa,
“Basta po ako mag-iikot kami sa buong Pilipinas. Pipilitin kong maabot ang higit na nakararami sa ating lipunan upang mapakinggan ang katayuan ng ating mga kababayan,”sabi ni Isko.