Advertisers
NAGSAGAWA narin ng parallel investigation ang PNP Internal Affairs Service (IAS) sa insidente ng pananakit ng isang opisyal sa isa nitong tauhan sa Legazpi City.
Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, gumugulong na ang hiwalay nilang imbestigasyon kay Colonel Dulnoan Dinamling Jr., ang nambato ng basag na baso at nakabulag sa kaliwang mata ni Master Sgt. Ricky Brabante.
Paliwanag ni Triambulo, incident grave misconduct ang ginawa ni Dinamling at posibleng magresulta ito sa dismissal o pagkakasibak sa serbisyo.
Una nang inatasan ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) sa insidente at binigyan sila ng isang linggo ni PNP Chief, General Dionardo Carlos, para magsumite ng resulta ng imbestigasyon.
Sa ngayon, sibak na sa pwesto si Dinamling at ang Police Regional Office 5 Mobile Force Batallion Commander na si Col. Clarence Gomeyac na siyang pasimuno ng inuman sa kampo kungsaan nagkaroon ng insidente.