Advertisers
NAKAHANDA na ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na gawing vaccination center ang Ninoy Aquino International Airport ( NAIA) terminal 4 kaalinsabay sa pagdiriwang ng National Vaccination Day sa bansa.
Ayon kay MIAA-Public Affairs Office (PAO) chief Connie Bungag, isa sa magiging lugar ng bakunahan ang NAIA terminal 4 o Manila Domestic terminal na matatagpuan sa kahabaan ng Domestic road sa lungsod ng Pasay.
Ito ay bilang suporta na rin ng MIAA mula sa programa ng pamahalaan kaugnay sa malawakang bakunahan para sa sambayanang Pilipino kung saan ay hiniling ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa MIAA na gawing vaccination center ang terminal 4.
Ang BOQ din ang mangangasiwa sa gagawing operasyon para sa tatlong araw na bakunahan na magsisimula sa November 29 hanggang December 1, 2021
Matatandaan na noong buwan ng Marso 20, 2020 ay unti-unti umanong naparalisa ang operasyon ng NAIA terminal 4 bunga ng COVID-19 pandemic na gumulantang sa ibat-ibang panig ng daigdig.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit huminto ang biyahe ng mga domestic flights kaya’t inilipat muna ito sa NAIA terminal 2 at terminal 3.(JOJO SADIWA)