Advertisers
DALAWANG lalaki na kilala sa kanilang barangay bilang mga drayber ng public utility jeepney (PUJ) sa Cebu city ang nakuhanan ng higit 2 kilo ng shabu na nagkakahakaga ng P13.7 milyon.
Inabot ng ilang linggo ang surveillance bago natuklasan ng mga pulis kung ano sina Vinch Neil Arnais at Jessie Callero na higit pa sa PUJ drivers.
Sa report, malaking bahagi ng shabu ang nasamsam kina Arnaiz at Caballero na naaresto sa isang buy-bust operation 11:00 ng gabi, Linggo, Nob. 28, sa C. Padilla Street, Barangay Duljo-Fatima sa lungsod ng Cebu.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Cebu City Police Office (CCPO).
Sinabi ni Police Maj. Jonathan Bethooven Taneo, hepe DEU ng CCPO, na 2.5 kilo ng shabu na nasa P13.7 milyon ang halaga ang nakuha mula sa dalawang drivers.
Sinabi ni Taneo na si Arnaiz na isa sa mga “high value individuals” na mahigpit na binabantayan ng pulisya.
Idinagdag ni Taneo na ang pangalan ni Arnaiz ang lumitaw nang maaresto ng pulisya ang ilang tulak sa mga nakaraang operasyon.
Magsasagawa pa ng follow-up investigations ang mga awtoridad upang matukoy kung saan nakuha ng dalawang drivers ang suplay ng iligal na droga.