Advertisers

Advertisers

‘Angkas’ o motorcycle-taxis, kikilalanin bilang lehitimong industriya – Isko

0 213

Advertisers

ITUTULAK ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno ang pagkilala sa mga motorcycle-taxis bilang lehitimong industrya sa bansa at nanawagan ito na rebisahin ang Republic Act No. 11235, na tinawag bilang “Doble Plaka Law” at walang bentahe sa mga riders.

Ginawa ni Moreno ang pahayag matapos na magmartsa ang libo-libong drivers mula sa passenger at delivery service na “Angkas” sa Manila City Hall upang ipahayag ang kanilang suporta sa pagtakbo ni Moreno bilang Pangulo ng bansa. Pinasalamatan at pinuri ng alkalde ang mga riders sa tulong nito sa kasagsagan ng pandemya sa pamamagitan ng paghahatid ng mga ito sa mga health frontliners base na rin sa kasunduan sa kanilang kumpanya.

Sinabi ng alkalde na sa sandaling mahalal siya bilang pangulo ng bansa, sasabihan niya ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na isama at kilalanin ang motorcycle-taxis sa kanilang legislative agenda. Ang LEDAC ay isang consultative at advisory body ng Presidente sa ilang programa at polisiya na mahalaga sa katuparan ng mga adhikain ng pambansang ekonomiya.



“Kailangan ‘yan ng batas. Yung opisina na pinupuntahan ko, yung opisina na inaapplyan ko is the Executive. But I’ll guarantee you: in the LEDAC, I will make sure that that industry will be recognized by the State through enactment of law,” sabi nito na idinagdag din na kailangan ang batas para sa motorcycle-taxis para kilalanin ang sektor na ito ng national government .

“‘Yun lang ang kompromiso ko. Kasi kung pwede lang kita bigyan bilang Presidente, bibigyan kita ng prangkisa, wala namang batas, binoboladas lang kita. There must be an enabling law for that industry,” pahayag ng alkalde na nagsabi rin na ang mga pertinenteng ahensya dapat ang nagtitiyak na ang mga batas trapiko at ang pagpapatupad nito ay pareho sa lahat ng mga local government units.

“We need uniform rules pagdating sa transport. Baka mapaki-usapan natin ang MMDA later on to make uniform our fees, penalties, and rules para panatag lang,” sabi ni Moreno.

Samantala ay sinabi ni Moreno na para sa kanya ang “Doble Plaka Law” ay walang saysay. Ang RA 11235, na kilala din bilang Motorcycle Crime Prevention Act, ay nagsasaad na lahat ng mga motorsiklo ay dapat na kumuha ng mas malalaking plaka at ito ay naisabatas noong March 2019 bilang tugon sa tumataas na bilang ng insidente ng riding-in-tandem sa bansa.

“‘Yun talaga, kagaguhan ‘yon. Di lang discrimination. Kagaguhan talaga. Ano ang kinalaman ng taong naghahanapbuhay nang patas sa gagong wala namang ginawa kundi mamaril nang mamaril ng hanapbuhay?” sabi nito.



Kaisa si Moreno ng grupo ng mga riders sa pagkontra sa nasabing batas at sinabi nito na ang bagong requirements sa ilalim ng nasabing batas ay maaaring magresulta sa aksidente at sagabal sa kabuhayan ng libo-libong mga riders at nagiging dahilan din ito ng pagkaantala sa rehistro at transfer ng motorsiklo.

“Di nga nila malabas yung plakang isa, dalawa pa?”sabi nito sabay giit na sa halip na magpatupad ng panibagong kaparusahan sa mga ordinaryong riders, dapat na palakasin ng national government ang batas kontra sa mga krimeng ginagawa ng mga riding-in-tandem.

“Trabaho ‘yon ng lespu. Trabaho ‘yon ng gobyerno, kalawitin lahat ng mga tolongges, mga kriminal. Tama o mali? Why are riders being penalized for something that they are not doing? It doesn’t add up. Let’s be straightforward. Bakit ka ipe-penalize sa kakulangan ng gobyerno na supilin ang kriminalidad?” dagdag pa niya. (ANDI GARCIA)