Advertisers
MATAPOS na itaya at maipatalo sa online sabong ang nakolektang pera mula sa pautang, isang lalaki ang nagpanggap na nabiktima ng panghoholdap sa Mangaldan, Pangasinan.
Kinilala ang lalaki na si Norjude Reyes, isang lending collector.
Ayon sa ulat, nag-report si Reyes na naholdap siya at natangay ang koleksiyon niya na mahigit P18,000 sa Barangay Banaoang.
Nagpakita pa si Reyes ng galos sa tagiliran na natamo raw niya sa ginawang panghoholdap ng dalawang lalaki.
Tinukoy pa ni Reyes ang dalawang nangholdap umano sa kaniya.
Pero ayon kay Lieutenant Arnel Diopesa, deputy officer ng Mangaldan Police, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na ginawa ni Reyes sa sarili ang galos at hindi totoo na nabiktima ito ng panghoholdap.
“Lumalabas sa investigation na siya ay natalo sa online sabong,” anang opisyal at sinabing ipinusta ni Reyes ang mahigit P18,000 na nakolekta niya sa pautang.
Mahaharap sa patong-patong na kaso si Reyes dahil sa nangyari.
Samantala, sa panayam ng radio DZRH kay dating Candava, Pampanga Jerry Pelayo, sinabi niyang nawalan din siya ng pamangkin dahil sa pagkabaon sa utang sa online sabing. Nagpakamatay daw ito nang hindi mabayaran ang nasa kalahating milyong piso na natalo talo sa e-sabong.