Advertisers
HINIMOK ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang MMDA na i-exempt ang medical professionals at iba pang health personnel mula sa muling pagpapatupad ng number coding scheme.
Ayon sa mambabatas, dapat ay hindi na isama sa number coding ang health workers upang tuloy-tuloy na magampanan ang trabaho lalo na kung may emergency.
Ang coding ay tatakbo mula 5pm hanggang 8pm mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holiday.
Tinukoy ng kinatawan na ang mga nurse at iba pang hospital personnel na may daytime duty ay dapat hayaan nang makauwi at hindi na hintaying mag-alas otso ng gabi.
Para naman sa mga night shift, dapat aniya ay payagan din silang makabiyahe papasok sa trabaho kahit sa kasagsagan ng 3 hour period ng number coding.
Umapela naman ito sa MMDA na huwag nang pag applyin pa ng exemption ang health workers at sa halip ay ipresenta na lamang ang kanilang Professional Regulation Commission license o hospital-health facility ID sakaling masita. (Henry Padilla)