Advertisers
Patay ang 62-anyos na lolo nang tadtarin ng taga at pugutan ng apong menor de edad sa bayan ng Sigma, Capiz, Huwebes ng gabi.
Ayon sa Sigma MPS, nakita ng isang residente ang bangkay ng biktima na si Elpidio Alilang na nakahandusay sa Brgy. Mianay, Biyernes ng umaga, at nakahiwalay na ang ulo niya mula sa kaniyang katawan.
Agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang residenteng nakakita sa bangkay.
Naiulat na magkasamang nag-inuman si Alilang at ang 17-anyos na salarin sa birthday celebration ng kanilang kakilala, Huwebes ng gabi.
Sa report, unang nagpaalam na umuwi ang salarin, at makalipas ang ilang minuto, sumunod ding umuwi ang biktima.
Pagdating sa madilim na bahagi ng kalsada, inabangan umano ng salarin si Alilang at pinagtataga hanggang sa maputol ang ulo nito.
May dating alitan umano ang salarin at si Alilang nang paratangan ng biktima ang apo na kumuha ng itinagong karne ng baboy sa kaniyang bahay.
Magpinsan ang lolo ng salarin at ang biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sigma MPS sa nangyaring insidente at patuloy na tinutugis ang salarin na nakatakas matapos ang krimen.