Advertisers
SA harap ng nagbubunying mamamayan ng Cebu na sinaksihan ng 50 alkalde ng lalawigan at ng maraming lider-politiko at mga opisyal ng ahensya ng gobyerno at mga kilalang negosyante, buong karangalang ipinakilala ni Cong. Pablo John ‘PJ’ Garcia si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na siyang “Susunod na Pangulo ng Republika.”
“Ladies and gentlemen, it is my honor, and I am humbled to introduce to you tonight the man who is to be the next president of the Philippines, Mayor Isko Moreno Domagoso,” sabi ni Cong. Garcia sa ginanap na Sugbo Negosyo awarding ceremonies sa Kapitolyo ng Lalawigan.
Bago ipinakilala na “The next President”, binanggit muna ni Rep. Garcia, nakababatang kapatid ni Cebu Gov. Gwen Garcia ang napakaraming mabubuting proyekto na ginawa ni Yorme Isko na nagpatanyag sa Maynila sa buong bansa.
Ang pahayag ni Rep. Garcia ay katumbas ng nagkakaisang suporta ng One Cebu – ang pinakamalakas at pinakamalaking lokal na partido politikal sa Cebu.
Sa wikang English, sinabi ni PJ Garcia, secretary general ng One Cebu, na totoong noon pa man ay pinahahanga na siya ni Yorme Isko nang malaman na balak nitong tumakbong kandidato para pangulo sa Mayo 2022.
Ipinakilala niya si Isko na pinakabatang nahalal na konsehal sa kasaysayan ng Lungsod ng Maynila, pinakabatang bise-alkalde ng Maynila at noong 2019, gumawa ng kasaysayan bilang pinakabatang halal na alkalde ng Maynila.
At, marahil, sabi pa ni Garcia, nakita ng Maynila ang mga katangian ni Yorme Isko upang ipagkatiwala ang kanilang kinabukasan sa pangunahing kabisera ng Republika.
“And the City of Manila may have seen in this man so much that they have entrusted their future to this young man, the premier capital of the Republic of the Philippines,” wika ng kongresista ng ikatlong distrito ng Cebu.
Sa loob lamang ng kulang na tatlong taon, ipinagmalaki ni Garcia ang natatanging ginawa ni Moreno sa larangan ng kalusugan, kalinisan, edukasyon, pabahay sa mahihirap, at iba pang nakahanga-hangang akomplisment.
Kabilang dito ang pagtayo ng mga modernong ospital tulad ng 10-palapag, fully airconditioned na Bagong Ospital ng Maynila, de kalidad na pabahay tulad ng Tondominium na nagbalik sa dignidad ng mahihirap na Manilenyo.
Kung noon, marumi, nababalot ng maiitim na usok ang siyudad, nakahihinga ng sariwang hangin ang mga tao sa maraming maberdeng pasyalan na binigyang buhay sa mga proyektong ginawa ni Yorme Isko.
“Even the Manila Zoo, which until his mayorship was virtually a dung-heap, dirty and smelly, has now been revived and brought back to life,” pahayag ni Garcia.
Mas kahanga-hanga, sabi pa ng kongresista ay malaman kung saan nagmula ang 47-anyos na alkalde.
Aniya, isinilang na iskwater, nagbasurero sa edad 10 si Isko.
“Kung ating iisipin kung saan siya nagsimula at kung nasaan siya ngayon, at kung iisipin kung paano niya ginawa ang ginawa niya sa Maynila, hindi pa ito ay tunay na kahanga-hanga,” sabi ni Garcia sa wikang English.
Ang buhay ni Isko Moreno, dagdag ni Garcia ay katulad rin ng dahilan ng pagtitipon at pagbibigay gawad parangal sa tagumpay ng Sugbo Negosyo.
Kung ikaw ay nagsimula sa pinakamababang lugar sa lipunan, tanging ang kailangan upang magtagumpay ay ang maging matatag, matiyaga at maging malikhain, maging madiskarte – at ganyan din ang kailangan upang magtagumpay ang MSMEs, paliwanag ni Garcia.
“When you come from such beginnings at the bottom of the economic strata of society, what you need to succeed – resilience, perseverance innovation, creativity – is what the micro, small and medium enterprises (MSMEs) really need to succeed,” paliwanag ng kongresista.
Ayon kay Garcia, natutuwa siya na malaman na plano ni Yorme Isko na kung mahahalal na pangulo, handa siyang gayahin, gawing modeno ang Sugbo Negosyo at gawing matagumpay ito sa buong bansa.
Tulad ng unang pagbisita ni Yorme sa Cebu ng nakaraang buwan, mapapansin na sa mga kilos at pananalita, ito ay nagpapakita ng posibilidad ng suporta nila sa kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Nitong Linggo at Lunes, personal na sinamahan ni Cong. PJ Garcia si Moreno sa pagbisita sa Lapu-Lapu City, Naga City, Balamban at Carmen.
Sa Listening Tour ni Yorme Isko noong Nob. 5 at 6, personal ding sinamahan siya ni Cong PJ sa Barili, Dumanjug at Moalboal.
Inimbitahan si Yorme Isko sa awarding ceremonies ng Sugbo Negosyo, isang magandang proyektong kabuhayan ni Governor Gwen na mahusay na modelong dapat na tularan sa pagbuhay ng MSMEs ngayong panahon ng pandemya.
“I am honored and humbled by the hospitality of the Garcia family, and the warmth given to me by Cebuanos,” sabi ni Yorme Isko sa mainit at masiglang pagtanggap sa kanya ng magkakapatid na Garcia.
Sa kanyang mensahe, inulit ni Yorme Isko ang pangako na gagawing modelo ang Sugbo Negosyo ni Gov. Gwen para sa pagbangon ng maliliit negosyo kung siya ang papalaring manalong pangulo sa 2022.
“Akala ko maganda na yung ginawa natin sa Maynila on how to survive business, on how to support business.. only to find out ang pinaka-magandang idea pala na worth emulating, ” sabi ni Yorme Isko.
Idinugtong niya na tama si Cong. PJ na tama na laging umasa sa awa ng Diyos.
“…sa awa ng Diyos, someday somehow, hihiramin ko na ito para sa DTI ng buong bansa,” pangako ni Isko.
Ngayon, sabi niya hindi tama na mangako nang mangako, pero mangangako siya.
“Now is not the time to make more promises, the only thing that I can promise here is kokopyahin ko itong ginawa ninyo sa Cebu province para sa mga kababayan natin na bigyan ng hanapbuhay,” sabi ni Yorme Isko.