Advertisers

Advertisers

Good news! Midyear ng govt. employees ipinamimigay na

0 2

Advertisers

MASAYANG inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na simula nitong Huwebes, Mayo 15, 2025, ay maaari nang matanggap ng mga kwalipikadong empleyado ng pamahalaan ang kanilang mid-year bonus na katumbas ng isang buwang basic salary.

Ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” Pangandaman, kabilang sa makakatanggap ng mid-year bonus ang mga civilian personnel gayundin ang mga military at uniformed personnel.

Ang kabuuang pondong inilaan para sa mid-year bonus ngayong taon ay P63.695 bilyon.



Sa nasabing halaga, P47.587 bilyon ang nakalaan para sa civilian personnel, habang P16.108 bilyon naman ang para sa mga uniformed personnel.

Sinabi ni Pangandaman na naipadala na ng DBM sa mga implementing agencies ang pondo para sa mid-year bonus noon pang Enero 2025.



Dahil dito, nanawagan si Pangandaman sa mga pinuno ng ahensya at lokal na pamahalaan na tiyaking maibibigay agad ang bonus sa mga empleyado, sang-ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa DBM Budget Circular No. 2017-2, ang mid-year bonus ay maaaring matanggap ng mga empleyadong nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.



Kinakailangan din na nasa serbisyo pa ang empleyado sa mismong petsa ng Mayo 15 at may satisfactory performance rating sa nakalipas na rating period.

Saklaw ng bonus ang mga empleyado sa lahat ng sangay ng pamahalaan—Executive, Legislative, at Judiciary—kabilang ang mga Constitutional Commissions, State Universities and Colleges, Government-Owned or -Controlled Corporations, at mga lokal na pamahalaan.

Samantala, kabilang din sa mga makatatanggap ng bonus ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at iba pang uniformed services. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)