Advertisers

Advertisers

EX-DA CHIEF KINASUHAN NG CYBERLIBEL VS PLANTERS PRODUCTS

0 26

Advertisers

INIREKOMENDA ng Makati City Prosecutor’s Office ang pagsasampa ng kasong cyberlibel at simple oral defamation laban kay dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor kaugnay ng mga pahayag nito sa pag-aangkat ng bigas ng Planters Products Inc. (PPI).
Sa joint resolution na may petsang Oktubre 13, sinabi ng mga piskal na may probable cause upang kasuhan si Montemayor dahil sa mga pahayag na kumuwestiyon sa pag-aangkat ng bigas ng PPI at naglarawan dito bilang government-owned or controlled corporation (GOCC).
Gayunman, nakatala ang PPI bilang GOCC sa 2026 Philippine Government Directory of Agencies and Officials ng Department of Budget and Management (DBM). Itinuring din itong GOCC sa 2024 annual report ng Governance Commission for GOCCs (GCG), ang pinakabagong ulat na makukuha sa website ng komisyon.
Salungat ang mga klasi-pikasyong ito sa naging pagtaya ng mga piskal na walang sapat na batayan si Montemayor upang ilarawan ang PPI bilang GOCC. Tinanggap ng resolusyon ang posisyon ng kompanya na isa itong pribadong korporasyon.
Kontrolado ang PPI ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tagapagmana ng Frabelle Group, na nagtalaga ng buong lupon ng mga direktor ng kompanya.
Nag-ugat ang reklamo sa isang press release na inilabas sa pa-ngalan ng Federation of Free Farmers (FFF) at MAGSASAKA Party-list, gayundin sa mga sumunod na panayam kay Montemayor.
Bilang chairman ng FFF, kinuwestiyon ni Montemayor kung maaaring mag-angkat ng bigas ang PPI nang walang deklarasyon ng kakulangan sa suplay sa bansa.
Nagpahayag din siya ng pa-ngamba sa posibleng hindi patas na kompetisyon at conflict of interest na kinasasangkutan ni Laurel.
Itinanggi ng PPI ang mga paratang at iginiit na pribadong korporasyon ito at may mga sanitary and phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Plant Industry ang mga inangkat nitong bigas.
Inilahad din ng kompanya ang mga rekord ng Securities and Exchange Commission at mga opinyon ng Department of Justice at Office of the Government Corporate Counsel na sumusuporta umano sa pribadong katayuan nito.
Ayon sa mga piskal, maaaring makasira sa reputasyon ng PPI ang mga pahayag ni Montema-yor, at isinaalang-alang din nila ang pagpapakalat ng mga pahayag sa Facebook at iba pang online platform sa pagrekomenda ng kasong cyberlibel.
Inirekomenda ang piyansang P48,000 para sa cyberlibel at P18,000 sa bawat bilang ng oral defamation, o kabuuang P84,000.
Samantala, ibinasura ang reklamo laban kay Lejun Dela Cruz, kinatawan ng MAGSASAKA Party-list, dahil sa kakulangan ng ebidensiyang nag-uugnay sa kaniya sa paglalabas ng press release.
Itinanggi ni Dela Cruz ang pagkakasangkot at itinuro si dating party-list chairman Argel Joseph Cabatbat bilang responsable sa pahayag.