Advertisers

Advertisers

Rimbang gumastos ng P11.5m para sa eroplano at pasilidad… ‘DUTERTE ALLY ‘DI LANG PINANSER, UTAK DIN SA P3.5B SHABU?’

0 18

Advertisers

KINILALA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes ang isang dating mambabatas sa Bangsamoro at matagal nang kaalyadong pulitikal ng pamilya Duterte bilang isa sa mga pinaghihinalaang utak sa tangkang pagpupuslit sa Pilipinas ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon mula Laos.

Gayunman, sinabi ng ahensiya na kailangan pa ng mga imbestigador ng mahahalagang dokumento bago makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.

Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na kabilang sa mga tinutukoy ng mga nakalap na ebidensiya si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang alyas Sultan, umano’y hindi lamang tagapondo kundi isa rin sa mga pangunahing personalidad sa operasyon.



“Hindi lamang bilang tagapondo, kundi kabilang sa mga pangunahing personalidad, ang mastermind,” ani Nerez, batay sa mga sinumpaang salaysay na nakuha ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP).

Pinamumunuan ni Rep. Mark Anthony G. Santos ang komite na nangangalap ng impormasyon mula sa mga ahensiya ng law enforcement, intelligence at border security bago ang nakatakdang imbestigasyon ng Kongreso sa mga pagkakasamsam ng droga sa Laos at Thailand at sa posibleng kaugnayan ng mga ito sa Pilipinas.



Layunin din ng pagsisiyasat na matukoy ang mga hakbang para palakasin ang seguridad sa mga hangganan at ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa pandaigdigang kalakalan ng ilegal na droga.

Inihayag ni Nerez ang impormasyon matapos tanungin ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima kung lumitaw na si Rimbang ang pangunahing person of interest sa imbestigasyon.



Tinanong din ni De Lima kung nakakuha na ang mga imbestigador ng sinumpaang salaysay mula kay Rimbang o kung nainterbyu na ito.

“Hindi pa, ma’am. Kinukuha pa namin ang mga sinumpaang salaysay ng iba bago kami lumapit sa kanya,” sagot ni Nerez.

Itinalaga ni dating Pangulo Rodrigo Duterte si Rimbang bilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament noong 2019.

Kumandidato rin si Rimbang sa ilalim ng PDP-Laban, partidong iniuugnay sa pamilya Duterte, sa halalan para sa Bangsamoro Parliament nitong 2026, ngunit natalo.

Nauna nang kinilala ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang matagal nang ugnayang pulitikal ni Rimbang sa pamilya Duterte. Gayunman, iginiit niyang wala pang nakikitang ebidensiyang nag-uugnay sa pamilya sa nasabing kargamento ng droga.

Ayon kay Nerez, nakakalap na ang mga imbestigador ng ebidensiyang tumutukoy sa posibleng pagkakasangkot nina Rimbang at Abdulkarim Macalatas, na umano’y tatanggap ng kargamento sa Maynila.

“Sa ngayon, mayroon na kaming matibay na ebidensiya upang sabihing sangkot sina Rimbang at Macalatas sa insidenteng ito,” pahayag ni Nerez.

Gayunman, sinabi niyang kailangan pa ng mga awtoridad ang mga rekord ng transaksiyon na may kaugnayan kay Police Master Sgt. Aileen Jayne Manalo Mendoza, dating piloto ng eroplano na si Rioklyn Pizarras Toledo, at sa kompanyang Malaysian na nagbigay ng chartered aircraft.

“Ang kulang sa ngayon ay ang mga dokumento ng transaksiyon mula sa babaeng pulis patungo sa airline company na ALS, na kinakatawan ni Toledo, gayundin ang mga dokumento ng transaksiyon sa pagitan ni Toledo at ng kompanyang Malaysian,” ani Nerez.

Kailangan din tukuyin ng mga imbestigador ang mga target para sa paghahain ng mga aplikasyon ng cyber warrant at makuha ang mga opisyal na rekord ng imbestigasyon mula sa Laos.

Dapat maipadala ang mga rekord sa pamamagitan ng opisyal na mga channel ng pamahalaan upang magamit ang mga ito bilang ebidensiya sa mga korte sa Pilipinas.

Malugod namang tinanggap ni Nerez ang alok ng Department of Justice (DOJ) na tumulong sa pagkuha ng mga rekord sa pamamagitan ng Office of the State Counsel.

Tinanong din ni De Lima kung pareho ang mga taong iniimbestigahan ng PDEA at PNP-CIDG.

Kinumpirma ni Nerez na nagtutulungan ang dalawang ahensiya at mayroon silang iisang listahan ng mga person of interest.

“Sa simula pa lamang ng kasong ito, palagi kaming nakikipag-ugnayan sa PNP-CIDG, at kung sino man ang nasa listahan ng CIDG ay kasama rin sa aming listahan,” aniya.

Ayon sa PNP-CIDG, hindi bababa sa 21 indibidwal na ang inimbitahan upang magbigay ng pahayag bilang bahagi ng imbestigasyon.

Binigyang-diin ni De Lima na wala pang naaaresto o nasasampahan ng kaso sa Pilipinas sa mga taong iniimbestigahan kaugnay ng kargamento ng droga mula Laos.

Nag-ugat ang kaso sa pagkakasamsam noong Oktubre 1 ng 521 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.5 bilyon sa Luang Prabang International Airport sa Laos.

Sinasabing patungo sa Maynila ang mga droga sakay ng isang chartered private jet.

Nauna nang tinukoy ng mga awtoridad si Rimbang bilang pinaghihinalaang tagapondo ng operasyon, si Macalatas bilang umano’y tatanggap ng kargamento, si Mendoza bilang pulis na diumano’y nag-ayos sa pagdating ng eroplano at pagpasok nito sa hangar, at si Toledo bilang taong umano’y kumuha ng chartered aircraft.