Advertisers
Bagamat itinanggi na ito ng sources mula sa China Embassy bilang ‘fake news,’ may punto pa din kung tutuusin at di imposibleng mangyari.
Gaya na lang ng posibleng epekto sa kalakalan at supply chains, labor policies, turismo at mga konsulado.
‘Yung i-ban ang mga pulitiko na anti-China, natural lang. Ang problema, baka madamay ang mga inosenteng Pilipino na nais lang mag-turista, may gustong dalawing kaanak, nais mag-aral, o nagta-trabaho sa China.
Kung away na talaga ang kahihinatnan, posible ding bawalan na ng China ang anumang transaksyon o negosyo sa pagitan ng China at anumang kompanya o indibidwal mula Pilipinas.
Alam nating lahat na kaya nakikipag-deal ang mga Pilipino sa China ay ito ang source ng mga murang kagamitan o paninda, mula sa pang-tahanan, pang-katawan hanggang sa pang-negosyo at gusali. Kaninong kawalan ngayon ito?
Ibig din sabihin nito ay di na makakapag-export ang Pilipinas sa China ng mga pangunahing produkto.
Pagdating sa turismo, ilang Pilipino ba ang nagpupunta sa China kumpara sa bilang ng Chinese na nagpupunta sa Pilipinas para gumastos ng dolyares? Sino ang talo dito? Hindi tayo maaring magmalaki dahil nariyan ang ibang kalapit-bansa na maari nilang puntahan gaya ng Indonesia, Malaysia, Japan at Vietnam.
Ngayon, pag pinatalsik ang Ambassador ng China, natural na gaganti ang China at pauuwiin din ang ating Ambassador. Ibig sabihin, magsasara na lang ang ating Embahada doon.
Pag nagkaganun, paano na ang mga Pilipinong naroon bilang mag-aaral o nagta-trabaho o naninirahan na doon? Saan sila tatakbo kapag me problema?
At kapag hinarang ng China ang resupply mission sa pinag-aagawang dagat, ano ang gagawin ng Pilipinas? Inaasahan ba natin na Amerika ang makikipagbakbakan sa dagat para sa Pilipinas?
Kung iniisip natin ang kapakanan ng mga mangingisda at Navy personnel, sana isipin din ng mga naghahanap ng away sa China ang mas nakararaming Pilipino na maaring maapektuhan sa China.
Lalo na, isipin din sana nila ang kapakanan ng higit na nakararaming bilang ng mga Pilipino, na umaabot ng milyon-milyon, na ayaw ng giyera laban sa anumang bansa, lalo na sa makapangyarihang bansa gaya ng China.
Hindi kaduwagan ang pagiging praktikal. Hindi pagiging traydor ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng, inuulit ko, higit na nakararaming Pilipino na gusto ng tahimik na pamumuhay at wala namang direktang mapapala sa pakikipag-away sa China o anumang bansa pa ‘yan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.