Advertisers
Malaking problema sa ating bansa ang pagpupuslit ng mga produktong agrikultural.
Bukod sa pagkalugi ng pamahalaan sa hindi nababayarang buwis, naaapektuhan din nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang Pilipino.
Kaya mahalaga ang pinaigting na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa agricultural smuggling, lalo na sa mga produktong maaaring makasira sa lokal na industriya.
Sa loob ng 17 buwan, mula Pebrero 2025 hanggang Hulyo 2026, umabot daw sa P11.6 bilyon ang halaga ng mga produktong agrikultural na nasamsam sa 67 operasyon ng pamahalaan.
Hindi maliit na halaga ang nasabing mga produkto. Sa likod ng mga bilang na ito ay ang laki ng problemang kailangang harapin upang maprotektahan ang lokal na produksyon at matiyak na patas ang kalakalan sa bansa.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, umabot sa 218 katao ang naharap sa mga reklamong administratibo o kriminal kaugnay ng mga operasyong ito.
Mahalaga na ang mga kasong isinampa ay maayos na maipagpatuloy at mapanagot ang mga mapatutunayang lumabag sa batas. Hindi dapat maging maluwag ang pamahalaan sa mga negosyong gumagamit ng ilegal na paraan upang kumita. Kapag nakalulusot ang mga smuggler, ang mga lehitimong negosyante at lokal na prodyuser ang napipinsala.
Mas mabigat ang epekto nito sa mga magsasakang umaasa sa kanilang ani bilang pangunahing pinagkukunan ng kita. Kapag binaha ng puslit na produkto ang merkado, maaaring bumaba ang presyo ng kanilang mga paninda at mahirapan silang mabawi ang puhunan.
Sa ganitong kalagayan, may batayan ang direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang mga operasyon laban sa agricultural smuggling. Hindi lamang kita ng pamahalaan ang nakataya rito, kundi pati ang trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino.
Mahalaga rin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre 2024. Kung hindi ako nagkakamali, pinalalawak ng batas ang mga gawaing maaaring parusahan at itinataas ang mga multa at parusa sa mga mapatutunayang lumabag.
Gayunman, hindi sapat ang mahigpit na batas kung mahina naman ang pagpapatupad nito.
Mahalaga sa hakbang na ito ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Council at ang nakatalagang pangkat ng mga tagausig na tututok sa mga paglabag. Tama rin ang pagbibigay-pansin sa paggamit ng teknolohiya at intelligence operations upang mabantayan ang mahahabang baybayin at mga rutang ginagamit sa ilegal na pagpasok ng produkto.
Mas magiging epektibo ang kampanya kung hindi lamang ang maliliit na ismagler ang nahuhuli kundi pati ang mga nagpopondo at nagpapatakbo ng mga sindikato.
Kasabay nito, dapat manatiling pangunahing layunin ang pagpapalakas sa sariling produksyon.
Hindi sapat na habulin ang mga nagpupuslit ng produkto kung patuloy namang nahihirapan ang mga magsasaka at mangingisda dahil sa mahal na gastos sa produksyon, kakulangan sa irigasyon at limitadong access sa merkado.
Kung kinakailangan ang pag-aangkat, dapat itong nakabatay sa masusing pagsusuri ng suplay at pangangailangan. Mahalaga ang tamang dami at panahon upang hindi makadagdag sa pagkalugi ng mga lokal na prodyuser, lalo na kung panahon ng anihan.
Kaya sa patuloy na pagtutok ni Pangulong Marcos sa usaping ito, lalong nagiging mahalaga ang maayos na pagpaplano habang naghahanda ang bansa sa posibleng epekto ng El Niño.
Dapat tiyakin ng pamahalaan na sapat ang suplay ng pagkain nang hindi nagiging pagkakataon ang kakulangan para sa mga grupong nais kumita sa ilegal na kalakalan.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.