Advertisers
NAIS ni Health Secretary Francisco Duque III na manatili sa Alert Level 2 status ang Metro Manila dahil inaasahang maglalabasan ang mga tao sa panahon ng Kapaskuhan.
Ito ang isa sa mga pag-uusapan sa gaganaping pagpupulong ng mga opisyal ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Huwebes.
“Para sa akin dapat siguro tama lang manatili muna tayo sa Alert Level 2. Bakit kamo?
Unang-una, ang mobility tataas na naman nitong kapaskuhan, alam natin ‘yan. At lalo na’t nagbabadya ang Omicron variant,” ani Duque.
Hindi naman binanggit ni Duque kung ireremomenda niya na ibaba na sa Alert Level 1 pagtapos ng kapaskuhan.
Samantala, ipinagmalaki ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na naging epektibo ang ipinatupad na alert level system sa bansa dahil kaunti na lamang ang mga lugar na isinailalim sa granular lockdown. (Jonah Mallari)