Advertisers
ARESTADO ang dalawang vendor na rumaraket sa pamamagitan ng pamemeke ng mga birth certificate sa harap ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Barangay Pinyahan, Quezon City, Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na sina Rogelio Ranoco Navidad, 31 anyos; at Rolly Guevarra Cuaderno, 31, kapwa vendor at residente ng NIA Road, Brgy. Pinyahan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City District Field Unit (CIDG-QCDFU), 10:40 ng umaga ng Lunes (December 6) nang maaresto ang dalawa sa harap ng exit gate ng PSA sa East Avenue, Brgy. Pinyahan.
Inireklamo ni John Carlo Fabia ng Anti Red Tape Authority (ARTA) ang mga suspek na pagpi-fixer ng mga PSA birth certificate kaya agad nagkasa ng operasyon ang CIDG-QCDFU.
Nasamsam sa mga suspek ang pinekeng PSA birth certificate, marked money at cellphone na ginagamit sa transaksyon.
Nahaharap ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Anti-Red Tape Act of 2007, Falsification of Public Documents at Obstruction of Justice laban sa kanila.