Advertisers
SINABI ng independent monitoring group na OCTA Research Group nitong Miyerkules na ‘very low risk’ na sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) matapos na makapagtala na lamang ng 105 bagong kaso ng COVID-19 kada araw simula Disyembre 1 hanggang 7.
Sa NCR COVID-19 update ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na nakapagtala na lamang din ang rehiyon ng reproduction number na 0.34 sa nasabing mga petsa, na bahagyang mas mababa sa 0.35 na naitala noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 5.
Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng sakit. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal nang hawahan o transmission ng virus.
Samantala, ang average daily attack rate (ADAR) sa rehiyon ay nasa 0.74 per 100,000 population na lamang.
Nakapagtala rin naman ang NCR ng positivity rate na 1.1%, na pasok sa benchmark ng World Health Organization (WHO) at ng Center for Disease Control and Prevention (CDC).
Ayon pa sa OCTA, nasa 11 local governments din sa NCR ang klasipikado na bilang ‘very low risk.’
Kabilang dito ang Malabon, Navotas, Caloocan, Pateros, Valenzuela, Marikina, Manila, Parañaque, Pasay, Las Piñas, at Mandaluyong.
Samantala, ‘low risk’ naman ang klasipikasyon ng Muntinlupa, Makati, Quezon City, Pasig, Taguig, at San Juan.
Paglilinaw naman ng OCTA, “the risk levels described in this report are not reflective of the alert levels prescribed by the DOH (Department of Health) and the IATF (Inter-Agency Task Force).
Nauna nang kinumpirma ng DOH na ang Pilipinas ay klasipikado na bilang ‘minimal risk’ sa COVID-19. (Andi Garcia)