Advertisers
NADAKIP ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagpanggap na agent ng ahensiya para makapanloko.
Kinilala ang nadakip na si Arthur Lope.
Hinuli ng mga tauhan ng NBI Special Action Unit si Lope sa isang entrapment operation sa Pasig City.
Sa report, nang kapkapan si Lope nasa bulsa pa nito ang hiningi niyang P15,000 mula sa biktima nang magpanggap itong NBI agent.
Ayon sa biktimang si “Jules,” nawalan siya ng pera sa isang investment scam at nagsabi sa mga kakilala na gusto niyang magreklamo sa NBI.
Nagpresenta umano si Lope bilang agent na tatanggap sa kaso pero hiningan nito ng bayad si “Jules.”
Nakapagbigay ng P115,000 ang biktima pero humingi pa ng dagdag na P15,000 si Lope kaya nagduda si “Jules” at nagsumbong sa tanggapan ng NBI.
Nagpaalala si NBI Special Action Unit Executive Director Kristine dela Cruz sa publiko na ang mga transaksiyon ng NBI ay ginagawa sa loob ng kanilang himpilan. Wala aniyang kapalit na pera ang serbisyo ng ahensiya.
Kulong si Lope sa kasong robbery, extortion at usurpation of authority.