Advertisers
TODAS sa engkwentro ang tatlong miyembro ng gun-for-hire at robbery hold-up group nang maka-enkwentro ang mga operatiba ng Highway Patrol Group at mga tauhan ng PRO-3 at PRO-Cordillera nitong Biyernes ng madaling araw sa may bahagi ng Lamutt-Shilan Road, Barangay Shilan, La Trinidad, Benguet.
Ayon kay PNP-HPG Director, Brig. General Rommel Marbil, isang joint operations ang ikinasa sa pangunguna ng Special Operations Division ng HPG kasama ang ibang units ng PNP laban sa nasabing criminal gang members na patuloy sa kanilang mga iligal na aktibidad.
Ayon kay Marbil, ang nasabing operasyon ay bahagi ng kanilang intensified anti-carnapping at anti-criminality campaign.
Sa report, nakasakay ang tatlong suspek sa pulang Mitsubishi Lancer.
Nag-ugat ang shootout mula sa isang insidente sa may bahagi ng Clean Fuel gasoline station sa may bahagi ng Baguio-Bontoc Road kungsaan na-monitor ng joint-intelligence team ng La Trinidad Police Station ang pulang sasakyan na walang plaka sa likuran at binabaybay ang nasabing national road.
Agad nagsagawa ng verification ang mga tauhan ng HPG sa pamamagitan ng LTO Online 2600 at napag-alaman na ang nasabing plaka ay naka-assign sa isang Mitsubishi Adventure.
Dahil dito, agad tumawag ng mobile team para hulihin ang mga suspek.
Nang lapitan na ng mga tropa ang sasakyan, nagpaputok ang mga suspek at tumakas.
Kaya nagkaroon ng habulan at palitan ng mga putok hanggang sa masawi ang mga kriminal.(Mark Obleada)