Advertisers
HINDI pinalampas ni Senadora Mary Grace Poe ang kapalpakan ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa mga dokumento ng mga korporasyong nakasalang sa Senado ang aplikasyon sa kanilang prangkisa.
Mahalaga ang prangkisa na aaprubahan ng Senado at Kamara de Representes dahil isa ito sa mga rekesito upang ligal na makapagnegosyo ang mga nakasalang na korporasyon.
Nabatid ng BIGWAS! na “kinastigo” ni Poe ang liderato ng BIR dahil nabuwisit ang senadora hinggil sa hindi nito pagsusumite sa Senate Committee on Public Services ng mga papeles ng mga korporasyong nag-aplay ng prangkisa.
Si Atty. Caesar Dulay ang komisyoner ng BIR.
Nabuwisit si Poe dahil lantarang pagbabalewala n ng BIR sa Senado ang ginawa ng una.
Pokaragat na ‘yan.
Kailangan ng komite ni Poe ang mga papeles na nagpapakita kung nagbabayad ng tamang buwis ang mga kumpanya.
Batay sa rekord ng Public Services, 16 na telecommunications corporations, 12 broadcast companies at isang airline firm na Air Philippines Corporation ang nakapila para sa prangkisa.
Ang dami palang naipit ang prangkisa dahil walang dalang mga dokumento ang mga tauhan ni Dulay.
Pokaragat na ‘yan!
Ito ang sabi ni Poe sa BIR: “Bago kami magbigay ng prangkisa isang kumpanya, tinitiyak naming wala silang pananagutan . E, kung may utang sa inyo?”
Utang na buwis sa BIR ang tinutukoy ng mambabatas.
Idniin ni Poe sa parehong pagdinig sa komiteng kanyang pinamumunuan na ang pagbusisi at pagsisiyasat sa mga dokumento ng mga korporasyong humihingi ng panibagong prangkisa ay “pinakamahusay na paraan” upang masingil ng BIR kung sila ay mayroong utang na buwis.
Napakaganda ng birada ni Poe sa BIR dahil kung inyong matatandaan na nabuko ang ‘di pagbabayad ng tamang buwis ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa BIR, sa pamamagitan ng puspusang pagsisiyasat at paghingi ng mga senador sa mga dokumento ng nasabing korporasyon.
Nang mabunyag sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon ang utang na buwis ng Pharmally ay saka lamang kumilos ang BIR.
Nabisto tuloy na palpak ang BIR.
Pokaragat na ‘yan!
Kahit si Pangulong Rodrigo Duterte na agresibong ipinagtatanggol ang Pharmally at garapalan niyang ipinakita ang kanyang pagmamahal sa nasabing korporasyon ay nagsabing dapat magbayad ng utang na buwis ang Pharmally sa BIR.
Kaya, para sa akin ay wasto ang pagkastigo ni Poe sa BIR dahil nabuwisit na nga siya sa naturang ahensiya.
Ang isa pang nakatutuwang ginawa ni Senadora Poe ay ang pagpuna niya sa pamunuan ng Bureau of Customs (BOC).
Noon pang 2018 komisyoner ng BOC si Rey Leonardo Guerrero.
Pinuna ng mambabatas ang BOC dahil hanggang ngayon ay napakatalamak ng ismagling sa bansa.
Kahit sumang-ayon lang si Poe sa pananaw ni Senate President Vicente Sotto III, walang dudang natumbok ni Poe ang kapalpakan ng BOC.
Inihalimbawa ni Poe ang patuloy na kabiguan ng BOC na pondohan ang proyektong magbabago at magpapaunlad sa sistema ng operasyon ng naturang ahensya.
Lumang-luma at deladente na ang sistema, ngunit nakapagtatakang hindi pa rin ito pinapalitan ng panunuan ni Guerrero, samantalang matagal nang nanalo sa bidding ang isang “joint venture”.
Ano ba ang kulang ng naturang kumpanya kina Commissioner Guerrero at Deputy Commissioner Vener Baquiran?
Obligado nang kumilos sina Guerrero at Baquiran upang hindi sila igisa ni Poe kapag muling isalang ang BOC sa Senado dahil sa ismagling at korapsyon.