Advertisers
BILANG pagtalima sa polisiya na “NO TAKE POLICY” ni PNP Director Gen. Dionardo Bernardo Carlos, mariing nagbabala si PNP Region 4A Director, PBG Eliseo DC Cruz sa kanyang mga opisyales at tauhan na ipatutupad nito ang “One Strike Policy” at sisibakin ang sinumang hepe ng kapulisan sa kanyang hurisdiksyon na lalabag sa naturang doktrina.
Kasabay sa direktibang ito, inatasan ni General Cruz ang matapat nitong opisyal, si P/LtCol. Chito B. Macaspac, Chief ng Regional Special Operation Unit (RSOU) na suyurin at lansagin sa mga siyudad at bayan na may naiiulat pang operasyon ng gambling joint tulad ng organisadong jueteng na lalong kilala bilang Small Town Lottery (STL) bookies, sakla, tupada o illegal cockfighting, pilferage ng petroleum product o paihi at patulo, at iba pang uri ng iligalidad.
“Tulad din ng kalakalan ng droga at iba pang uri ng kriminalidad, ang mga ganitong gawaing iligal lalo na ang sugal ay nag-aanyaya ng korapsyon sa ilang police scalawag para tumanggap ng intelhensya, lagay o suhol, kapalit ng malayang operasyon ng mga ilegalista at ito ay hindi natin mapapayagang manaig sa ilalim ng ating liderato,” ang pahayag ni Gen. Cruz.
Sina Dir. Gen. Carlos, PBG Cruz at Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao ay dating nanungkulan sa PNP Highway Patrol Group. Sila ay pawang mga master motorcycle riders.
Ipinarating na ng inyong lingkod sa magiting na Gen. Cruz ang mga mapananaligang ulat ng mga hinggil sa parang ligal na pag-ooperate ng permanenteng pwesto ng saklaan o baklayan sa bahay ng isang alias Cesar Villestas sa Brgy. Sambat, ng bayan ng Padre Garcia bagama’t pinaiiral na nga sa PNP hierarchy ang “NO TAKE POLICY”.
Kung tawagin din ay “puesto pijo” na saklaan, nag-ooperate ang perwisyong pasugalan bandang alas 9: 00 ng umaga araw-araw, magpahanggang kinabukasan o halos 24/7 na pagpapasugal. “Magulo po ang mga lasing sa alak at bangag sa shabu na magsasakla kaya walang katahimikan sa aming lugarl”, ang daing ng mga residente at ilang barangay kagawad ng Padre GTacia sa SIKRETA.
Ang nasabing saklaan ay ang kinukunsiderang pinakamalaking bentahan ng shabu sa buong rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguina, Batangas, Rizal at Quezon) at front lamang ang pagpapasakla doon.
Nagsimulang mag-operate ang operasyon ng naturang pasugalan kasabay halos ng pag-upo sa pwesto ni PDGen. Carlos. Kaya para namang malakas na sampal ito sa heneral?
Ang drug den at saklaan sa Brgy. Sambat ay tinatayang may 200 metro lamang ang layo sa Brgy. San Miguel na kinaroroonan ng Padre Garcia Police Headquarters.
Ngunit kahit nga malapit pa sa himpilan ng pulisya at nasa tabi lamang ng Manion Elementary School ang nabanggit na pugad ng bisyo ay mistulang bulag, pipi at bingi naman sina Padre Garcia Police Chief, Capt. Eduardo Timbol II at Municipal Mayor Celsa Braga-Rivera.
Duda tuloy ang mga taga- Padre Garcia na baka nga totoong may katigasan na ang sungay ni Capt. Timbol II at maging ang kauupo pa lamang na PNP Chief ay kaya nitong suwagin?
Matatandaang sa atas ni Gen. Cruz ay sinalakay ng mga tauhan ni LtCol. Macaspac noong October 2 ng umaga ang jueteng den ng magkasosyong alias Tisoy at Idol sa Padre Garcia na malapit lamang sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Branch sa Poblacion ng nasabing bayan.
Sa pangunguna ni P/Lt. Jocel Calvario ay natutop ng mga pulis ang mga suspek na sina Geraldine Manguera Malabanan (kabo), Carlito Guiao Binosa (rebisador) at Henry Valencia Awat (rebisador), habang nasa aktong nagrerebisa ng taya sa jueteng sa nasabing lugar.
Dakong hapon naman ay nasorpresa din ng tropa nina Lt. Calvario sa Brgy. Castillo habang nagpaparebisa din ng taya sa jueteng o STL bookies ang kabo at kubrador na sina Romeo Panopio Del Mundo, Rodel Perez Del Mundo at Christian de Guzman Evangelista.
Nasamsam sa mga suspek ang mga ebidensya sa iligal na pasugal kayat pawang pinakasuhan ang mga ito ni Gen. Cruz sa tanggapan ng Provincial Prosecutors Office.
Ngunit ang siste nga lamang, hindi pa man napipyansahan ang mga naturang sugarol ay ipinatuloy na naman nina Tisoy at Idol ang kanilang pajueteng, simula noon-hanggang ngayon.
Sa bayan naman ng San Jose, lalawigan din ng Batangas ay hayag ang operasyon ng “untouchable” na paihian na kilala ding burikian, pasingawan at patulo sa compound ng garahe ng Benlyn Trucking sa Brgy. Banay-Banay malapit sa Banay-Banay Eatery.
Malakihang nakawan ng produktong petrolyo tuwing gabi ang trabaho ng karamihan sa mga tsuper ng Benlyn Trucking na isang petroleum hauler. Milyong halaga ang nananakaw ng mga naturang kawatan sa mga walang kamalay-malay na may-ari ng petroleum depot at mga gasoline station.
Sa Munisipalidad ng Taysan naman, simula araw ng Linggo hanggang Huwebes ay nagpasugal ng color games, beto-beto ang opereator ng sabungan na isang Mr. Lee at Rani sa Bilogo Mini Cockpit sa Brgy. Bilogo.
Sa isang text message, tiniyak naman ni Gen. Cruz na aaksyunan ni Col. Cansilao at ng kanilang mga tauhan ang saklaan sa Brgy. Sambat at mga jueteng joints sa Brgy. Banaba, at sa may 20 barangay sa Padre Garcia. pati na ang burikian sa San Jose.
Hanggang kahapon ay patuloy sa pag-ooperate ang saklaan at jueteng sa Padre Garcia, paihi sa San Jose at color games at beto-beto sa Bilogo Mini-Cockpit sa bayan ng Taysan, pawang sa lalawigan ng Batangas, sa kasagsagan pa naman ng “NO Take Policy”!
May katiyakan naman ang mga taga Padre Garcia at San Jose, parehong sa lalawigan ng Batangas sa aksyon nina Gen. Cruz at Col. Cansilao, kaya’t may kalalagyan ang mga hinayupak na ilegalistang ito at ang kanilang protektor! Ating abangan…
***
Para sa komento:Cp # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.