Advertisers
ARESTADO ang isang 41-anyos na Vietnamese national nang magpanggap bilang Pilipina gamit ang isang tunay na Philippine passport sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang babae na si Hunh Thu Loan, na naharang Nobyembre 19 habang pasakay sana sa Vietjet flight patungong Ho Chi Minh City, Vietnam.
Ayon sa BI, ginamit ng babae ang Philippine passport na nakapangalan kay Mary Ann Altarejos Antolin.
Sa isinagawang secondary inspection, naghinala ang mga immigration officer nang hindi makapagsalita o makaunawa ng Tagalog ang babae at mabigong magbi-gay ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa kanyang sinasabing pagkaka-kilanlan bilang Pilipina.
Bagama’t nakumpirmang tunay ang pasaporte, lumitaw sa karagdagang beripikasyon ng BI na si Hunh ay isang Vietnamese national na ipinanganak sa Vietnam sa mga magulang na kapwa Vietnamese.
Dahil dito, iniutos ng BI Intelligence Division ang kanyang pag-aresto dahil sa misrepresentation at impersonation.
Iniuugnay ng BI ang kaso sa tinatawag nitong “Phantom Citizenship” scheme, kungsaan gumagamit ang mga dayuhan ng pekeng pagkaka-kilanlang Pilipino upang makakuha ng mga dokumento at pribilehiyong nakalaan sa mga mamamayan ng bansa.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado na pananagutin ang mga indibidwal at sindikatong sangkot sa ganitong uri ng panloloko.
Kasalukuyang nakadetine si Hunh sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa kanya.