Advertisers
Nasakote na sa Cainta, Rizal ang itinuturing na Provincial No. 1 Most Wanted Person ng Isabela na umano’y sangkot sa pagpatay sa dating Miss Philippines Earth 2013 3rd Runner-Up na si Lulette Jane Ramilo-De Guzman ngayong Lunes, Nobyembre 23, 2026.
Ayon sa awtorida, kinilala ang suspek na si alyas Kenneth, 30-anyos, self-employed, at residente ng Barangay Ugad, Cabagan, Isabela at Brgy. San Vicente, Apalit, Pampanga na inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Barangay San Isidro sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
May kaugnayan ang kaso sa pamamaril sa dating beauty queen sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela noong Pebrero 13, taong kasalukuyan na kung saan dalawa ang hindi pa nakikilalang suspek ang naiulat na bumaril sa biktima.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng San Manuel Police Station ang naaresto habang inaasikaso ang paglilipat sa korte na naglabas ng warrant.
Ayon sa pulisya ito na marahil ang umpisa ng pagkatukoy sa iba pang responsable at kung sino ang mga nasasangkot na may utak sa likod ng pagkapaslang sa biktima. (Fidel Coloma)