Advertisers

Advertisers

NBI-3 CHIEF, BUKAS SA MEDIA; UMANO’Y KATIWALIAN, SISILIPIN!

0 13

Advertisers

NANAWAGAN ng patas at balanseng pamamahayag ang bagong Regional Director ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Luzon matapos lumabas ang mga alegasyon na umano’y may mga tauhan ng ahensiya na nagbibigay-proteksiyon sa mga indibidwal at establisimyentong sangkot sa ilegal na operasyon sa rehiyon.

Sa isang opisyal na liham na may petsang Nobyembre 23, 2026, na ipinadala kay Jack Castillo, Editor-in-Chief ng Police Files Tonite, inihayag ni Atty. Christopher M. Hernandez na bukas ang kanyang tanggapan sa paglilinaw at pagsusuri sa mga isyung inilabas ng pahayagan.

Kasabay nito, inimbitahan ni Hernandez ang pamunuan at mga kinauukulang reporter ng Police Files Tonite na makipagpulong sa NBI Central Luzon Regional Office upang talakayin ang mga alegasyon at posibleng pagtutulungan sa pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad.



Ayon kay Hernandez, mahalaga ang papel ng malayang pamamahayag sa isang demokratikong lipunan, partikular sa pagbubunyag ng mga maling gawain, pagtataguyod ng transparency at pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan.

Gayunman, binigyang-diin niya na kailangang maihiwalay ang mga hindi pa napapatunayang paratang sa mga napatunayang katotohanan upang maging patas at tama ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko.



Nilinaw din ng opisyal na humigit-kumulang dalawang linggo pa lamang siyang nakaupo bilang Regional Director ng NBI Central Luzon ngunit nakapagsagawa na umano ang kanyang pamunuan ng mga operasyon laban sa human trafficking, ilegal na bentahan ng produktong petrolyo, mga fixer sa mga ahensiya ng gobyerno at iba pang ilegal na gawain.

Giit niya, hindi lamang mga pahayag ng intensiyon ang naturang mga operasyon dahil suportado ang mga ito ng mga opisyal na rekord at kaukulang proseso ng imbestigasyon.



Samantala, kaugnay ng naunang ulat ng Police Files Tonite, kabilang sa mga isyung inilabas ang umano’y insidente ng pagkakakumpiska ng pera at mahahalagang gamit mula sa dalawang Korean national na sina Shin Jaeho at Go Sangsoo.

Ayon sa artikulo, matapos ang humigit-kumulang limang oras na imbestigasyon, napag-alamang hindi ang dalawang Korean national ang mga indibidwal na hinahanap ng NBI at kalaunan ay pinalaya sila nang walang isinampang kaso.

Gayunman, iniulat din na may mga cash at mahahalagang gamit na umano’y hindi pa naibabalik sa mga ito, kabilang ang tinatayang P1.5 milyon, dalawang mamahaling relo at 8 milyong Korean won o katumbas ng humigit-kumulang P380,520. Binanggit din ang umano’y nawawalang P100,000 na cash.

Naglahad din ang publikasyon ng mga alegasyon hinggil sa umano’y proteksiyon sa ilang ilegal na negosyo at pangongolekta ng lingguhang bayad mula sa mga operasyon ng jueteng, STL, ilegal na bentahan ng alak, prostitusyon at iba pang uri ng sugal.

Sa kabila nito, hindi pa itinuturing na napatunayang katotohanan ang mga naturang alegasyon at kailangan pang dumaan sa masusing beripikasyon at imbestigasyon.

Sa liham, sinabi ni Hernandez na maaaring makatulong ang impormasyong hawak ng publikasyon, kabilang ang mga dokumento at iba pang kaugnay na materyales, sa pagtukoy sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na gawain.

Tiniyak din niya na hindi layunin ng imbitasyon na pigilan, impluwensiyahan o pakialaman ang kalayaan ng pamamahayag kundi magkaroon ng konstruktibong ugnayan sa pagitan ng media at law enforcement agencies.

Umaasa ang NBI Central Luzon na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan, mapalalakas ang transparency, accountability at kampanya laban sa kriminalidad sa rehiyon.