Advertisers
PASAY CITY— Binigyang-diin ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang kahalagahan ng pagbibisikleta bilang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay upang maisulong ang kalusugan, kagalingan at pangangalaga sa kalikasan.
Pinangunahan ng alkalde ang ikalimang edisyon ng “Padyak Pasay Community Ride” na ginanap noong Sabado ng umaga Nobyembre 21, sa SM By the Bay, SM Mall of Asia, na nilahukan ng tinatayang 800 rehistradong siklista mula sa Pasay at mga karatig-lungsod.
Ayon kay Mayor Rubiano, ang Padyak Pasay ay hindi lamang isang aktibidad para sa kalusugan kundi bahagi rin ng adbokasiya ng lungsod tungo sa pagiging isang matalino, malinis at sustainable na Eco City.
Binigyang-pansin din ng alkalde ang planong pagpapaunlad sa ‘Pasay Eco City’, na naglalayong magkaroon ng mas malalawak na open spaces, luntiang pampublikong lugar at mga pasilidad na angkop para sa paglalakad, pagbibisikleta at iba pang aktibidad ng mga residente.
Aniya, hindi kailangang maging propesyonal na siklista upang makilahok sa programa dahil bukas ito sa lahat, bata man o matanda, baguhan man o beterano sa pagbibisikleta.
May temang ‘Pedal Forward – Bike-Yanihan for National Bike Day,’ ang aktibidad ay bahagi rin ng pagsisimula ng pagdiriwang ng ika-163 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Pasay.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ang programa sa pamamagitan ng Pasay City Tourism and Cultural Development Office upang hikayatin ang paggamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon, itaguyod ang malinis na mobilidad at palakasin ang samahan ng mga lokal na siklista.
Nagpaalala rin si Mayor Rubiano sa mga kalahok na laging sundin ang mga patakaran sa kaligtasan at maging maingat sa kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa mga katuwang ng lungsod na SM Smart City Infrastructure and Development Corporation, SM Cares, JCI Manileña at Department of Environment and Natural Resources sa kanilang suporta sa nasabing aktibidad.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang layuning magkaroon ng mas malusog na mamamayan, mas malinis na kapaligiran at mas ligtas na pampublikong espasyo para sa lahat ng Pasayeño. (RONALD BULA)