Advertisers

Advertisers

Rescue ops sa mga dating tauhan ni VP Sara itinanggi ng PNP

0 8

Advertisers

ITINANGGI ng Philippine National Police (PNP) na nagsagawa ito ng rescue operation para sa dating tauhan ni Vice President Sara Duterte at apat pang indibidwal sa isang hotel sa Taguig City dahil walang pinipigilan o ikinukulong sa mga ito.
Sa pahayag nitong Bi-yernes, Nobyembre 20, nilinaw ng PNP na sinamahan lamang ng mga pulis ang mga abogado ng limang indibid-wal sa pagkuha sa kanila mula sa isang hotel sa Bonifacio Global City noong Nobyembre 17.
Ayon sa pulisya, kusang bumaba mula sa kanilang mga kuwarto ang limang indibidwal at sumama sa mga awtoridad patungo sa himpilan ng Fort Bonifacio Police Sub-Station 1.
Wala rin umanong nakitang palatandaan na pinipigilan silang umalis o may agarang banta sa kanilang kaligtasan nang matagpuan sila ng mga pulis.
Sa himpilan, tumanggi ang mga ito na magsumite ng affidavit kaugnay ng sinasabing pagkakakulong at hindi rin tinukoy kung sino ang posibleng nasa likod ng mga pagbabanta.
Sa halip, ang kanilang mga abogado ang naghain ng affidavit para maidokumento ang insidente sa police blotter noong Nobyembre 17.
Matapos ang dokumentasyon, malaya umanong umalis ang limang indibidwal sa himpilan nang hindi humihingi ng karagdagang tulong.
Nauna nang sinabi ni Duterte spokesperson Atty. Paolo Panelo na ligtas na ang da-lawa sa dating tauhan ng bise presidente matapos umanong mailigtas sa tulong ng pulisya.
Ayon kay Panelo, dinala sa Maynila ang mga dating tauhan matapos alukin ng trabaho sa isang resort sa Boracay. Kalaunan, pinapirma umano sila sa mga affidavit na naglalaman ng mga alegasyon laban kay Duterte kapalit ng pagtigil sa mga banta sa kanilang buhay.
Itinanggi ng PNP na may naganap na pagkakakulong o rescue operation.
Gayunman, tiniyak ng pulisya na bukas ito sa pagtanggap ng mga reklamo at sinumpaang salaysay mula sa sinumang nakararanas ng pagbabanta at nangangailangan ng proteksiyon. (BoyCelario)