Advertisers

Advertisers

CALE88 NG DUTERTE P75 LANG ARAWANG SAHOD; LABOR CASE NAKAAMBA!

0 1

Advertisers

CALE88, P75 LANG ARAWANG SAHOD;
LABOR CASE, NAKAAMBA!

 

Posibleng maharap sa hiwalay na labor complaint ang Cale88 Foods Corp.,  na dating may-ari ng 47.5 porsiyentong bahagi sa pagmamay-ari ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio,, matapos lumitaw sa mga rekord ng kumpanya na nasa P75 lamang umano ang kinikita ng bawat manggagawa kada araw.



Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Biyernes, kinuwestiyon niya ang mga talaan ng pasahod na isinumite ng Cale88 sa Board of Investments (BOI), na nagpapakitang mayroon itong 115 manggagawa ngunit P3.112 milyon lamang ang kabuuang inilaan para sa kanilang taunang sahod.

Batay sa naturang halaga, nasa P27,061 lamang kada taon o katumbas ng humigit-kumulang P2,255 kada buwan ang natatanggap ng bawat manggagawa, kung pantay-pantay na hinati ang kabuuang payroll sa 115 empleyado na nagtrabaho sa buong taon.



“Katumbas iyan ng humigit-kumulang P75 kada araw. Napakalayo nito sa itinakdang minimum wage,” ani Adiong sa isang press briefing.

Inihambing niya ito sa P448 na arawang minimum wage para sa mga regular na manggagawa sa Davao Region.



Dahil dito, sinabi ni Adiong na posibleng magsampa ng hiwalay na reklamo laban sa kumpanya dahil sa umano’y paglabag sa umiiral na minimum wage order.

“Puwede po dahil, gaya nga ng sinabi ko, may direktang paglabag sa kautusan hinggil sa minimum wage sa ilalim ng regional wage order,” aniya.

Binigyang-diin ni Adiong na ang mga naturang numero ay nagmula mismo sa mga dokumentong isinumite ng Cale88 sa BOI.

Ayon sa kanya, nakasaad sa mga dokumento na 115 ang empleyado ng kumpanya, ngunit P3 milyon lamang ang kabuuang taunang sahod na inilaan para sa lahat ng ito.

Lumutang ang isyu habang nagpapatotoo sa Senado ang Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo bilang testigo ng depensa sa impeachment proceedings. Tinalakay nito ang pagpaparehistro ng Cale88 sa pamahalaan, operasyon nito bilang exporter at mga insentibong buwis na natanggap ng kumpanya.

Kinuwestiyon din ni Adiong kung masusing nasuri ang mga rekord ng pasahod bago pinagkalooban ng BOI registration at mga insentibo ang kumpanya.

Aniya, posibleng may paglabag na maaari ring maging batayan upang kanselahin ang sertipikasyon ng Cale88.

Samantala, kinuwestiyon naman ni House impeachment prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang mga ebidensiyang iniharap ng depensa upang patunayang aktuwal na nag-ooperate ang Cale88 noong panahong may 47.5 porsiyentong pagmamay-ari rito ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Ayon kay Chua, ang mga larawang ipinakita sa pagdinig ay nagpapakita lamang ng operasyon ng kumpanya sa ilalim ng bagong pamunuan noong 2026 at hindi noong panahong sangkot pa si Carpio sa negosyo.

Iginiit niyang walang naipakitang sapat na larawan o dokumentasyon hinggil sa operasyon ng kumpanya noong panahong bahagi pa ng pamunuan si Carpio.

Patuloy ding kinukuwestiyon ng House prosecution kung sapat ang bilang ng mga manggagawa at kapasidad sa produksyon ng Cale88 upang bigyang-katwiran ang iniulat nitong kita at malalaking transaksiyong pinansyal, kabilang ang hindi bababa sa P319 milyon na mga remittance mula sa China.

Isa ang Cale88 sa mga negosyong sinusuri ng prosecution kaugnay ng kasong may kinalaman sa umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay kay Duterte.

Samantala, sinisikap naman ng depensa na patunayan na lehitimong exporter ang Cale88, may dokumentadong operasyon at nakatanggap ng mga insentibong inaprubahan ng pamahalaan.