Advertisers
Muling nagbukas ng pagkakataon ang Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD) para sa mga mahihilig at lehitimong may-ari ng baril sa pamamagitan ng 32nd Defense and Sporting Arms Show mula November 18 – 22, 2026 sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City.
Tampok sa limang araw na aktibidad ang iba’t ibang lokal at imported na baril, accessories at iba pang kaugnay na produkto mula sa 41 miyembro ng AFAD.
Pinangungunahan ni AFAD President Alaric “Aric” Topacio ang asosasyon na nagsasagawa ng ikatlo at huling gun show nito para sa taong ito. Una itong idinaos noong Hulyo at sinundan ng matagumpay na pagtatanghal sa Limketkai Center sa Cagayan de Oro City noong Agosto.
Higit sa pagpapakita ng mga produkto, binibigyang-diin ng AFAD ang responsableng pagmamay-ari ng baril at ang pangangailangan ng patas at makatuwirang mga polisiya.
Ayon kay Topacio, sinusuportahan nila ang pagpapalakas ng regulasyon para sa kaligtasan ng publiko, ngunit dapat nakabatay ang mga patakaran sa ebidensiya at hindi sa haka-haka o padalus-dalos na reaksyon sa mga insidente.
Dapat din aniyang isaalang-alang ang Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at ang mga umiiral nitong implementing rules and regulations.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Topacio si PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa binagong mga patakaran at proseso sa pagkuha at pagpaparehistro ng mga ripleng kabilang sa small arms category, pati na sa pagbili ng kanilang bala.
Kung hindi ako nagkakamali, sa bagong guidelines, pinapayagan ang 50 bala para sa bawat rehistradong riple, habang hanggang 1,000 bala naman ang allowance para sa mga lisensiyadong sports shooter. Umaabot sa 360 bala ang pinapayagan para sa aktibo at retiradong personnel ng PNP, AFP, Philippine Coast Guard, NBI at PDEA.
Nagbibigay din ang Defense and Sporting Arms Show ng tulong at impormasyon sa mga nagnanais kumuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at magparehistro ng kanilang mga baril.
Gayunman, malinaw na hindi natatapos sa pagkakaroon ng lisensiya ang responsibilidad ng isang gun owner, kabilang dito ang wastong paghawak, ligtas na pagtatago at mahigpit na pagsunod sa mga batas at regulasyon.
Sa usapin ng baril, hindi dapat manaig ang pansariling interes ng industriya, ngunit hindi rin dapat isantabi ang karapatan ng mga sumusunod sa batas. Kailangang magkasabay na isulong ang kaligtasan ng publiko at pananagutan ng bawat may-ari.
Tunay na ang isang mabuting polisiya ay hindi nasusukat sa higpit ng regulasyon kundi sa kakayahan nitong tugunan ang tunay na problema. Dapat itong patas, may sapat na batayan at walang pinipiling panagutin kapag may paglabag. Hindi dapat magkalaban ang kaligtasan ng publiko at responsableng pagmamay-ari ng baril.
Samantala, hindi lang pahinga at kasiyahan ang hatid ng Aaliyah Beach Resort sa Infanta, Quezon.
Aba’y tampok din dito ang mainit na pagtanggap at maayos na pag-aasikaso ng mag-asawang may-ari nito na tunay na nagpaparamdam sa mga bisita na sila ay ‘welcome’.
Napatunayan ito ng buong Aliw Broadcasting Corporation (ALC) nang idaos ang kanilang team building sa resort. Naging pagkakataon ito para magsama-sama, magsaya at patatagin ang samahan ng bawat empleyado sa isang lugar na malayo sa ingay at abala ng trabaho.
Lubos ang pasasalamat ng ALC sa mag-asawang may-ari ng resort sa kanilang kabaitan, malasakit at maasikasong pagtanggap sa buong grupo.
Kaya kung naghahanap kayo ng lugar para magpahinga, mag-bonding kasama ang pamilya o mga kaibigan, o magsagawa ng team building, maaari n’yong isama sa inyong listahan ang Aaliyah Beach Resort sa Infanta, Quezon.
Sabi nga, ang isang magandang bakasyon ay hindi lang nasusukat sa ganda ng lugar, kundi pati sa serbisyong nagpapasaya at nagbibigay ng magandang alaala sa bawat bisita.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.