Advertisers
INAPRUBAHAN ng House of Representatives nitong Martes ang panukalang batas na naglalayong ibaba mula 60 sa 56 taon gulang ang optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan.
Nakakuha ang House Bill No. 10995 ng 209 boto pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain sa isinagawang botohan sa plenaryo.
Sa atas ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy, binigyang-prayoridad ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang pag-apruba sa panukala.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Speaker Dy, Majority Leader Marcos at iba pang mambabatas mula sa iba’t ibang distrito at party-list.
Sa ilalim ng panukala, amyendahan ang Section 13-A ng Republic Act No. 8291 o Government Service Insurance Act of 1997 upang ibaba sa 56 taong gulang ang edad ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno na nais nang magretiro.
Upang maging kuwalipikado, kailangang: Nasa edad 56 pataas ang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS); May hindi bababa sa 15 taong serbisyo sa pamahalaan; Hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability.
Makakatanggap naman ang mga magreretiro ng kaukulang retirement benefits mula sa GSIS.
Ayon sa mga may-akda, bibigyan ng panukala ang mahigit isang milyong kawani ng gobyerno ng pagkakataong piliin ang maagang pagreretiro upang mas marami silang panahong makasama ang kanilang pamilya habang tinatamasa ang kanilang benepisyo at naipong pera.
Maaari rin umano silang magkaroon ng pagkakataong tahakin ang iba pang interes o pasukin ang ibang larangan, habang nabubuksan naman ang mga permanenteng posisyon at mas mataas na puwesto para sa mga nakababatang kawani.
Nakaayon din umano ang panukala sa umiiral na retirement age sa militar na 57 at sa Philippine National Police (PNP) na 56 para sa mga unipormadong tauhan.
Umaasa ang mga may-akda na bibigyang-prayoridad din ng Senado ang panukalang batas na inaprubahan na ng Kamara.