Advertisers
HINIMOK ni Deputy Minority Leader Stella Quimbo ang Department of Education (DepEd) na bigyan ng special risk allowance ang mga guro na makikibahagi sa face-to-face classes.
Sa inihain nitong House Resolution 2410, bukod sa pagbibigay prayoridad sa booster shots ng mga guro ay ipinanawagan ng mambabatas sa DepEd na hanapan ng pondo ang special risk allowance ng mga teachers.
Tinukoy nito na ang SRA ay makatutulong sa mga guro na makabili ng protective equipment lalo at mas malaki ang posibilidad na maging lantad sa sakit kasunod ng planong expanded face-to-face classes sa susunod na taon.
Magagamit din aniya ang SRA pambayad ng hospital bill o pambili ng gamot at iba pang kinakailangan sakaling magkasakit habang ginagampanan ang trabaho o kaya’y kailanganin na mag-isolate.
Una naman nang sinabi ng ni DepEd Usec. Willie Cabral sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture na walang pondo ang ahensya para sa SRA bagama’t maaaring gamitin ang MOOE para sa COVID-19 prevention kits.
Pagdating naman sa booster shots, ay nagsimula na aniyang mabigyan ang mga guro na nasa A2 at A3 category. (Henry Padilla)