Advertisers
HUMIGIT-KUMULANG P 15 milyon pisong halaga ng ecstacy tablets o ‘party drugs’ ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA mula sa Central Mail Exchange Center (CMEC) warehouse sa lungsod ng Pasay.
Batay sa inisyal report ng NAIA Inter Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG ) na dumating ang tatlong parcel galing Netherlands kung saan ideneklara ang mga ito na christmas gift.
Dahil sa masusing eksaminasyon ng mga otoridad ay natuklasan mula sa pitong Lady Hand Bags at 16 improvised pouches ang hugis ng mga tableta nang dumaan ito sa x-ray machine.
Dito ay agad na nagsagawa ng physical examination kung saan nakatago ang 9,160 Ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P 15,572,000.00.
Ang iligal na droga ay nakapangalan sa isang nagngangalang Nikki Deximo ng Tiera Bonita 1 Dasmariñas City, Cavite.
Ang mga nasabat na kontrabando ay isinalin ngayon sa pangangalaga ng PDEA at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang responsable sa nabigong pagpupuslit ng illegal drugs sa bansa. (JOJO SADIWA)