Advertisers
ARESTADO ang apat na pulis at isang sibilyan, habang isa ang patay at dalawa ang nakatakas sa P1.3 million robbery sa Pasig City.
Sa ulat ni Police Colonel Roman Arugay, hepe ng pulisya, kay Eastern Police District (EPD) Director Brig. General Orlando Yebra, kinilala ang mga nadakip na sina SSgt. Jayson Bartolome, Cpl. Merick Desoloc, Cpl. Christian Jerome Reyes, Pat. Kirk Joshua Almojera, pawang nakatalaga sa Taguig City PNP; at isang AJ Mary Agnas, 22 anyos, staff ng mga biktima at nakatira sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.
Natagpuan naman ang bangkay ng isang Jhon Carlo Atienza, 30, na may mga tama ng bala sa Kalayaan Avenue kanto ng Tolentino St., Brgy., Pinagkaisahan, Makati City; habang nakatakas ang isang Ferdinand Fallara, dismissed Police na dating nakatalaga sa NCRPO; at isang Rowel Galan na target ngayon ng munhant ng mga awtoridad.
Ang 2 biktima ay nakilalang sina Joana Marie Espiritu, 26; at Kani Toshihiro, 42, Japanese national; kapwa nakatira sa Sta. Elvira St., Brgy., Kapitolyo, Pasig City.
Sa ulat ng pulisya, 12:10 ng umaga ng Sabado (Disyembre 18) nangyari ang krimen sa mismong tahanan ng mga biktima.
Nasamsam ng mga awtoridad kay Cpl. Reyes ang isang 9mm pistol, magazine, P100, 000.00 cash at P8, 941, 000.00 na nasa box ng Ymaha NMax na motorsiklo nito; habang P100, 000.00 cash, cellphone, 9mm pistol kay Cpl. Desoloc at dalawang 9mm pistol kay Pat. Almojera na ang isa ay pag-aari ng PNP.
Agad na pinasibak ni NCRPO-Regional Director, Major Gen. Vicente Danao Jr., ang hepe ng mga sangkot na pulis habang pinuri ang liderato nina Yebra at Arugay kabilang ang mga tauhan nito na nakahuli sa mga tulisang pulis sa follow-up operation.
Sinampahan na ng kaso sa korte ang mga naaresto. (EDWIN MORENO/GAYNOR BONILLA)