Advertisers
SINAMAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasagawa ng aerial inspection sa mga lugar na winasak ng bagyong “Odette” sa Surigao del Norte, Dinagat Islands at Southern Leyte nitong Sabado para alamin ang lawak ng pinsala at matulungang makabangon agad ang mga nasabing lugar.
Mula sa Metro Manila ay lumipad sina Go at Pangulong Duterte sa Siargao Island bago lumapag sa Surigao City.
Matapos ma-survey ang nasira ng bagyo, muli silang nagsagawa ng aerial inspection sa Dinagat Islands saka dumiretso sa Maasin City sa Southern Leyte kung saan sila namahagi ng tulong at nakipagpulong sa mga lider para sa rescue at recovery efforts.
Muling bumalik ang Pangulo at si Go sa Surigao City ay nasagawa rin relief efforts saka pinulong ang mga pangunahing national at local officials para sa gagawing pagbangon ng siyudad.
Sa kanyang mensahe sa mga biktima ng kalamidad, tiniyak ni Go na ibibigay ng Duterte administration ang lahat ng klase ng tulong na kakailanganin ng komunidad para agad silang makabangon.
Pinasalamatan niya ang lahat ng government officials, ang mga first responders at volunteers sa kanilang malasakit at pagtulong na makapagligtas ng buhay at ari-arian.
“Asahan po ninyo na gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang makabangon kayo muli mula sa pagsubok na ito. Hindi kayo pababayaan ng gobyerno ninyo na palaging nagmamalasakit sa inyo. Magbayanihan po tayo,” ang apela ni Go.
“Sisikapin natin na maibalik sa lalong madaling panahon ang supply ng kuryente, komunikasyon at tubig sa mga apektadong lugar. Patuloy ang rescue and recovery operations at ang pagbibigay ng pagkain, tubig at iba pang relief sa mga nasalanta. Buong gobyerno nandito para tumulong at gampanan ang kanilang tungkulin,” ang paniniguro ng senador.
Sa situational briefing sa Maasin City, nangako si Pangulong Duterte na maglalabas ng P1 bilyon mula sa calamity funds para sa mga apektadong local government units at karagdagang P1 bilyon para naman concerned government agencies.
Anang Pangulo, tututukan ng pamahalaan na makabalik agad sa normal ang mga nasalanta ng bagyo. Iniatas niya sa mga concerrned officials na tiyaking may nakalaang pondo para sa pagbili ng mga pagkain, gamot at iba pang esenyal na pangangailangan.
Partikular na inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture, Department of Energy, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Social Welfare and Development, National Housing Authority at Office of Civil Defense upang pabilisin ang paghahatid ng mga ayuda sa mga residenteng mas nangangailangan.
Inutusan niya ang DPWH na linisin ang mga kalsada at magbigay ng mga gamit sa LGUs habang ang DSWD ay inatasang tiyakin na tuloy-tuloy ang distribusyon ng relief goods.
Ang Department of Health ay inatasan ng Pangulo na magpadala ng medical supplies at magpakalat ng mga health personnel sa Dinagat Islands.
Pinabibilisan naman niya sa DOE na ibalik agad ang elektrisidad sa mga lugar na nawalan ng koryente habang ang Department of Information and Communications Technology ay pinatitiyak na hindi mawawalan ng komunikasyon sa mga sinalanta ng bagyo.
Sa huli, iniutos ng Pangulo sa NHA na tulungan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at inatasan itong makipagtulungan sa DHSUD. Ang DA naman ay inatasang magbigay ng mga bangka para sa mga mangingisda at binhi sa mga magsasakang nasalanta ang mga pananim.
Ipinaalala naman ni Senator Go sa bawat isa na patuloy na mag-ingat laban sa pagkalat ng COVID-19 sa mga evacuation center sa pamamagitan ng pagsunood na health protocols.
“Bagamat ginagawa natin ang lahat upang mailigtas ang mga tao mula sa panganib na dulot ng bagyo, iwasan rin natin ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang sakit sa mga sinisilungan nilang evacuation centers,” ani Go.
“Magbayanihan at magmalasakit tayo sa ating kapwa. Kung anuman ang maitutulong natin ay gawin na natin sa abot ng ating makakaya. Sino nga ba naman ang magtutulungan kundi tayo lang po kapwa natin Pilipino,” ayon sa senaddor.
Sunod na magsasagawa sina Go at Pangulong Duterte ng inspeksyon sa mga biktima rin ng bagyo sa Bohol at Cebu.