Advertisers
PINAGHAHANDAAN na ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng limited-in person classes sa Enero 2022.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng naunang ipinatupad na pilot face-to-face classes nitong Disyembre 17.
Ayon kay DepEd Planning Service Director Roger Masapol na inihahanda na nila ang kanilang report na ukol sa mga assessment ng isinagawang pilot testing ng face-to-face mula Nobyembre 15 hanggang Disyembre 17.
Ang nasabing report ay kanilang isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Naglalaman ng kanilang report ang rekomendasyon ng pagdagdag pa ng mga paaralan at grade levels na makikibahagi sa physical classes.
Sa naunang pilot phase ay mayroong 287 mga paaralan ang lumahok at tanging mga estudyanteng mula kindergarten hanggang Grade 3 at senior high school ang pinayagan sumali.
Sa nasabing progressive expansion aniya ay kanilang dadahan-dahanin na masimulan na muli ang in-face classes.
Patuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Department of Health (DOH) para malaman ang kalagayan ng Omicron coronavirus variant ng COVID-19. (Josephine Patricio)