Advertisers

Advertisers

Du30, hinilingang isulong ang Charter Change 2022

0 413

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana’y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 9:11-12, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

PANGULONG DUTERTE, HINIHINGING SERTIPIKAHAN SA KONGRESO BILANG URGENT MEASURE ANG PAGBABAGO NG 1987 CONSTITUTION: Hinihimok ngayon ng mga abogado at ng ilan pang mga ordinaryong mamamayan ang Pangulong Duterte na sertipikahan at ipadala agad sa mga mambabatas sa Kamara de Representantes at sa Senado ang kanilang panukalang magpasa ang lehislatura ng pinagsamang resolusyon, o Joint Resolution of Both Houses of Congress na magtatakda ng isang Constitutional Convention (Concon) o ng isang Electorate Convention (Elecon).



Ayon Atty. Melchor Magdamo, tagapagsalita ng mga abogado at ng mga mamamayang nagnanais mabago ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Concon, o Constitutional Convention, o ng Elecon, o Electorate Convention, layunin ng kanilang mga pagkilos ang pagpapalit sa 1987 Constitution ng isang 2022 Constitution.

Inaasahan nina Atty. Magdamo na ang pagbabagong ito ng Saligang Batas ay makakatulong upang makatugon ang Pilipinas at ang pamahalaang itatatag sa ilalim ng bagong saligang batas sa mga bumibigat na pangangailangan ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon, at maging sa hinaharap.

May pormal na sulat sina Atty. Magdamo sa Pangulong Duterte upang hingin dito na pakilusin nito ang dalawang kapulungan ng Kongreso tungo sa pagkakaroon draft 2022 Constitution na pupuwedeng pagbotohan ng mga botante kasabay ng Halalan 2022.

Ang pagse-sertipika ng Pangulo sa kahalagahan at mahigpit na pangangailangan ng pagpasa ng isang Joint Resolution ng mga mambabatas ay ibinabatay sa Section 26 (2), Article VI, ng 1987 Constitution nina Atty. Magdamo.

-ooo-



1987 CONSTITUTION DAPAT NG BAGUHIN O PALITAN SA KABUUAN UPANG MAS MAKATUGON ANG PILIPINAS SA MGA KAGANAPAN SA MUNDO: Sa sulat sa Pangulo na ang isang sipi ay ipinadala sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Martes, Disyembre 07, 2021, nilinaw nina Atty. Magdamo kung ano ang kanilang nais sabihin sa mga salitang “Constitutional Convention” at “Electorate Convention.

Sa kanilang paliwanag sa Pangulong Duterte, sinabi nina Atty. Magdamo na ang Constitutional Convention o Concon ay pinahihintulutan ng Section 3, Article XVII, unang talata, ng 1987 Constitution.

Sa panukala nila Atty. Magdamo, magbobotohan ang mga kasapi ng kabuuang Kongreso— ang Kamara at ang Senado— at kung kakatig ang 2/3 ng bilang ng lahat ng mga mambabatas sa paraang ito ng pagbabago, magpapatawag ang gobyerno ng isang Constitutional Convention. Ang mga delegado dito ang gagawa ng isang bagong saligang batas.

Sa kabilang dako, ang panukalang “Electorate Convention” para sa pagbabago ng Salitang Batas ay nakabatay naman sa ikalawang talata ng Section 3, Article XVII ng 1987 Constitution.

Sa paliwanag nina Atty. Magdamo, maglalabas ang simple majority ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng tanong kung nais ba ng mga mamamayan sa 42,046 barangays na baguhin o palitan ang 1987 Constitution, sa kaniyang kabuuan, o sa alinmang bahagi nito.

-ooo-

BARANGAY ASSEMBLIES, MAAARING MAGPASYA KUNG PAPALITAN NA BA ANG SALIGANG BATAS NG 1987: Ang mga “citizens’ assemblies’ sa iba’t ibang barangay ang sasagot sa tanong na ito. Magkaganunman, ang aktuwal na pagboto kung nais ng mga citizens’ assemblies na baguhin o palitan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Elecon o Electorate Convention ay isasagawa ng mga kinatawan na makakakuha ng pinakamaraming boto mula sa mga citizens’ assemblies sa bawat congressional district sa bansa, at maging sa mga sectoral representatives mula sa hanay ng mga marginalized sectors.

Sa sistemang ito ng Elecon, kailangang ang mga pangalan ng mga Elecon representatives ay maisusumite sa Commission on Elections bago o sa araw mismo ng Marso 05, 2022.

Kung mababa sa kalahati ng bilang mga barangay sa bansa ang sasali sa botohan para sa mga pipiliin nilang Elecon representatives, o mababa sa 21,023 barangays ang sasali sa pagpili ng mga Elecon representatives, ituturing itong pasya ng sambayanan na ituloy na lamang ang Saligang Batas ng 1987.

Kung higit naman sa kalahati ng mga barangay ang sasali at pipili ng kanilang Elecon representatives, agad na magsasama-sama ang mga nanalong Elecon representatives, at sasangguni sila sa iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino ulang alamin kung ano ang kanilang nais baguhin sa Saligang Batas ng 1987, o di kaya ay kung nais nilang palitan na ito ng kabuuan.

Pagkatapos ng kanilang pakikipagpulong at pagsangguni sa mga mamamayan, magsusulat ang mga Elecon ng pitong bersiyon ng 2022 Constitution. Sa pamamagitan ng isang plebisito o botohan ng mga botanteng lalahok sa Halalan 2022, pipili ang mga mamamayan ng isa sa pitong panukalang Saligang Batas, at ang pinakamaraming boto ng pagsang-ayon ang itatanghal na 2022 Constitution.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.